Martes, Mayo 28, 2024

Paglaba't pagsampay ng basahan

PAGLABA'T PAGSAMPAY NG BASAHAN

di lamang damit ang aking nilabhan
kundi ang pitong tuwalyang basahan
na nabasa sa tulo sa tahanan
mula sa bubungan dahil sa ulan

animo sa bahay ay naglawa na
kahit may tagasalong palanggana
basang-basa ang basahang tuwalya
sa sahig ay pinampunas talaga

walang ibang gagawa kundi ako
sa sabon ay binabad munang todo
kinusot, binanlawan, sinampay ko
sana mamaya'y matuyo na ito

paglalaba'y karaniwang gawain
sunod, damit namang ginamit namin
ang kukusutin at aatupagin
na pag natuyo'y may maisuot din

- gregoriovbituinjr.
05.28.2024

Ang sipnayanon

ANG SIPNAYANON

It is impossible to be a mathematician without being a poet in soul. ~ Sophia Kovalevskaya

imposible raw maging sipnayanon
pag di ka isang makata sa diwa
kaylalim ng pananalitang iyon
pag sipnayanon ka'y nagmamakata

iyang sipnayan o matematika
ay para ring tulang may tugma't sukat
batid mo ano ang geometriya
at trigonometriya ng pagsulat

kung maging sipnayanon ang nais mo
pagkamakata mo'y di maglalaho
lalo't batid ang padron ng numero
sipnayan sa diwa, tula sa puso

mabuhay ka, sipnayanon, mabuhay!
makata kang wala sa toreng garing
sa sipnayan ikaw magpakahusay
at sa pananaludtod ay titining

- gregoriovbituinjr.
05.28.2024

* sipnayanon - mathematician;  sipnayan - mathematics