Martes, Hunyo 14, 2016

Takdang aralin

TAKDANG ARALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ibinigay ni Mam sa amin ang takdang aralin
upang doon sa tahanan amin itong lutasin
mula sa turo niya'y paano na sasagutin
at kinabukasan sagot ay ipapasa namin

inaalam ng guro, nag-aaral nga ba kami
kami kaya'y kuwago o tulad ng kalapati
sa gitna ng karukhaan, nagsisikap maigi
upang umahon sa hirap, nag-aaral mabuti

kayraming magkaklase ngunit sa upuan salat
nagsisiksikan kami pagkat kulang din sa aklat
sa isang silid-aralan, naturuan bang lahat
alam ng guro, paano ba kami sinusukat

takdang aralin, tatapusin at dapat magawa
upang makapasa sa klase ng di pasang-awa

Ikalawang magulang

IKALAWANG MAGULANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

noon, inihahatid ako ng aking magulang
sa pagpasok sa ekswela upang may matutunan
pagsusulat, pagbabasa, pati na pagbibilang
kabutihang asal, ano ang bayan at lipunan

doon, ikalawang magulang yaong nakatagpo
na sa katulad kong kabataan ay nagtuturo
matematika, agham, doon ako'y napanuto
laking pasasalamat ko't nakilala ang guro

ikalawang magulang na kalakbay sa pangarap
upang sapuhin ang patak na nagmula sa ulap
upang sa mata'y mahawi ang bumukol na asap
upang mapasakamay kaytaas mang alapaap

sa aming mga guro'y taos-pusong pasalamat
sa hatid na karunungang sa diwa nagpabundat
ikalawang magulang kayong naging kabalikat
sa bukas at sa suliraning daratal mang sukat