Martes, Setyembre 25, 2012

Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa

MANGGAGAWA SA LAHAT NG BANSA, MAGKAISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikaw man ay Pilipinong manggagawang migrante
ikaw man ay taga-Burma't obrerong sinalbahe
lahat tayo'y kapwa sa elitista nagsisilbi
naglilingkod kayo sa amo, ganoon din kami
noong primitibo komunal, tayo'y mapayapa
nagsasalu-salo't magkakapantay sa paggawa
sa lipunang alipin, nilatigo't inandukha
pagkatao nati'y hinamak at inalimura
sa lipunang pyudal, tayo sa lupa'y itinali
ang panginoong maylupa ang among naghahari
ang lipunang kapitalismo'y yumurak sa puri
ng mga manggagawang walang mga pag-aari
kundi tanging yaon lang kanilang lakas-paggawa
ngunit kapitalista'y di nagbabayad ng tama
mapagsamantalang sistemang ito'y lumulubha
sa buong daigdig, manggagawa'y kinakawawa
manggagawa, wala kang bansa, magkaisa tayo
sa daigdig, kapatid mo ang lahat ng obrero
magkapitbisig at ibagsak ang kapitalismo
wakasan ang luma't itindig ang lipunang bago

- Setyembre 24, 2012, sa upuan sa ikatlong palapag, YCOWA

Inspirasyon ang YCOWA


INSPIRASYON ANG YCOWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

napanood namin ang bidyo ng Yaung Chi Oo
nakapagpapasigla ang pinakita dito
ang pagtulong nila sa inaping obrero
ang pag-iimbestiga nila ng mga kaso
laban ng obrero'y kanilang pinanalo

ang di ginawa ng iba'y ginawa nila
tangan yaong prinsipyong tulungan ang kapwa
may bahay-tuluyang pinatitira muna
ang mga obrerong tinanggal, may problema
matuwid ang direksyon ng gawain nila

ang pagtulong sa mga obrerong migrante
laban sa mga kapitalistang salbahe
ang sa migrante'y pagkalinga't pagsisilbi
ang kanilang edukasyon, mga komite
inspirasyon sila’t dapat ipagmalaki

ilang araw akong sa kanila'y nanahan
kayraming usapan hinggil sa karapatan
ang magagandang ideya'y nagsusulputan
ang Yaung Chi Oo ay ehemplo ng sambayanan
sila'y marapat lang inspirasyon ng bayan

- Setyembre 24, 2012, sa upuan sa ikatlong palapag, YCOWA

Sampung Araw ay Di Kawalan


SAMPUNG ARAW AY DI KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sampung araw sa Mae Sot ay  isa nang yaman
nagbigay ng di matawarang karanasan
nag-alay ng di matingkalang kaalaman
nagdulot ng matibay na paninindigan
upang yaong naghahangad ng kalayaan
ay matulungang ganap sa puso’t isipan
sampung araw lang dito, ngunit di kawalan
nadanas dito’y dala sa kaibuturan
kaya salamat, salamat sa karanasan

- Setyembre 24, 2012, higaan sa ikatlong palapag, YCOWA

Huling Gabi sa Yaung Chi Oo


HULING GABI SA YAUNG CHI OO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahaba ang magdamag, bukas ay magtatalakay
anong napala sa sampung araw na paglalakbay
kailangan kong gumawa ngayong gabi ng gabay
kung ang naganap ba ng sampung araw ay tagumpay

ako’y di mapakali sa huli kong gabi roon
paano nga bang taga-Burma’y magrerebolusyon
tulad ko ba’y Che Guevarang sosyalismo ang layon
akong sa mga tibak ng Burma’y nasang tumulong

hanggang bansa nila’y tuluyang lumaya sa hawla
ng kahirapan, bulok na sistema’t diktadurya
sampung araw sa Mae Sot at isang oras sa Burma
ah, di ito sapat, kailangan kong magtagal pa

gayunman, aral at karanasang dito’y napulot
ay di masasayang, tanikala’y dapat malagot
upang paglaya ng Burma sa bayan ay magdulot
ng payapang bansa, habang  sa diktadurya’y poot

- Setyembre 24, 2012, higaan sa ikatlong palapag, YCOWA

Karapatan ng Migranteng Manggagawa

KARAPATAN NG MIGRANTENG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di ko inaasahang ako'y magtuturo
mabuti't saulado ko ang sasabihin
nang tinawag ako'y di ko sila binigo
sa karapatan nila'y nagbigay-aralin

karapatan ng manggagawang irespeto
at matanggap ang nakabubuhay na sahod
huwag yurakan ang kanilang pagkatao
at sa amo'y di sila dapat magsiluhod

tinalakay ko ang naganap sa Haymarket
na nagwelga't namatayan ng manggagawa
ngunit nagtagumpay sila sa iginiit
naipanalo'y walong oras na paggawa

sumigla ang mga manggagawang migrante
sa kasaysayan ng ganitong pagpanalo
ang paglaban daw pala'y mayroon ding silbi
kaya loob nila'y lumakas ngang totoo

karapatan ng migrante'y may kasunduan
sa pagitan niyong nagkakaisang bansa
basahing maigi ang nakasulat diyan
nang maipaglaban ang kapwa manggagawa

dapat nilang malaman ang mga usapin
upang karapata'y maipagtanggol nila
pag may alam sila'y baka di na gipitin
ngunit ingat, tuso iyang kapitalista

- matapos magtalakay sa mga manggagawang Burmes ng Labor Rights sa tanggapan ng DPNS, Setyembre 24, 2012

Indayog ng mga Pangarap

INDAYOG NG MGA PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

matapos makapanggaling sa Payatas sa Mae Sot
na aming nilakad ng mga kasama't nilibot
gutom ay naramdaman, uhaw yaong naidulot
dahil tanghali na, sa restawran kami umabot
habang kumakain, pakiramdam ko'y nanlalambot

habang nasa hapag at kami'y nagkakatuwaan
di naiiwasan ang patuloy na talakayan
palibhasa'y nasa Mae Sot ng sampung araw lamang
kaya sa bawat sandali, kami'y nagkukwentuhan
at ganito humigit-kumulang yaong usapan:

maraming salamat, mga kasama, sa pagtanggap
patuloy kitang kumilos nang laya'y mahagilap
walang sinumang kay Kalayaa'y makahahanap
kundi yaong kumikilos na siya ang pangarap
Kalayaan, sa ami'y huwag kang maging mailap

kayrami nilang lumisan sa bansa nilang Burma
sa Mae Sot ay nanirahan silang pansamantala
dahil sa layang asam, sila'y naging aktibista
nakibaka, kumilos, nangangarap, umaasa
tulad din ng mga Pinoy noon laban sa diktadura

pagkatapos kumain, pakiramdam nami'y busog
di lang sa pagkain kundi sa ideyang malusog
sisikatan din ang masa ng araw na matayog
habang sa diktadura, ang araw nila'y lulubog
sadyang pangarap ng bawat isa'y umiindayog

- sa isang kainan malapit sa tanggapan ng DPNS, Setyembre 24, 2012; matapos ang kainan ay tumuloy kami sa tanggapan ng DPNS dahil may mga naghihintay na migranteng manggagawa sa amin

Ang Payatas sa Mae Sot


ANG PAYATAS SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami ring nangangalaykay ng basura
nagbabakasakaling maraming makuha
silang may pakinabang at maibebenta
nang malamnan naman ang kanilang sikmura

para ba itong isang Payatas sa Mae Sot
kayrami ring dukhang kung anu-ano'y dampot
kalagayan nila sa puso'y kumukurot
ngunit maayos doon pagkat di mabantot

di ito tulad sa Payatas na totoo
pagkat kaytatayog, tambak-tambak pa ito
di ba't nagkatrahedya't daan-daang tao
ang nalibing sa basura't namatay dito

ang Payatas sa Mae Sot nga'y aming inikot
di halu-halo ang basurang nahahakot
may maliit na lawa sa kanyang palibot
tila palaisdaang kayrumi't kaylungkot

katabi lang nito ang planta ng resiklo
basurang maaari pa'y dadalhin dito
tiyak laking tuwa ng mga basurero
pag kinalahig nila'y mabayarang todo

ang Payatas sa Mae Sot ay walang panama
kung ikukumpara sa layak ng Maynila
Payatas na ito'y mukhang kaylinis pa nga
marahil maayos din ang namamahala

- malapit sa Mobile Clinic ng Yaung Chi Oo at Sky Blue School, Setyembre 24, 2012

Sa Klinika't Eskwela


SA KLINIKA'T ESKWELA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa loob ng paaralan, may klinikang munti
tuwing Sabado't Myerkules bukas sa pasyente
inaaruga yaong maysakit na kalahi
habang estudyante'y pawang anak ng migrante

pawang magagandang proyektong pinagsikapan
ng mga migranteng sa Mae Sot na nananahan
tinutulungan ang maysakit na kababayan
tinitiyak mga anak nila'y maturuan

dayuhan man sila sa magandang bayang yaon
ayaw nilang maituring na parang patapon
sa Mae Sot tibak silang doon na nagkatipon
doon matiyagang nagsisikap makabangon

ang mga anak ang kanilang kinabukasan
mga anak nilang magpapatuloy ng laban
bibigyang lunas yaong may mga karamdaman
at lilikha ng kanilang bagong kasaysayan

- sa pagdalaw sa Yaung Chi Oo mobile clinic at sa Skyblue School noong Setyembre 24, 2012; ang dalawang ito'y pawang proyekto ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA)

Radyo ng Migrante


RADYO NG MIGRANTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tinatalakay sa radyo tuwing Miyerkules
ang iba't ibang isyu ng mamamayang Burmes
sa migrante ba kapitalista'y lumalabis
sa kaapihan manggagawa ba'y magtitiis

tatalakayin ang isyu ng mga migrante
pati karahasan sa manggagawang babae
sa plano nga nila, ang isyu’y napakarami
kaya tiyak pagtalakay sa radyo’y kaytindi

Lunes  ngayon, kinabukasan ako’y paalis
nasa Bangkok na sa umaga ng Miyerkules
di ko man unawa ang wika sa radyo’t Burmes
ang gawaing pagraradyo’y malaking interes

at sa dalawang emcee nitong pawang babae
ang hatid ko na lamang sa kanilang mensahe:
“mula sa Pilipinas, nakikiisa kami
sa pakikibaka ng manggagawang migrante”

- sa tanggapan ng YCOWA, Setyembre 24, 2012;  
(may radyong pangkomunidad ang Yaung Chi Oo)