Biyernes, Hulyo 1, 2022

Pagkatha't labada

PAGKATHA'T LABADA

sa akin, paglalaba'y panahon din ng pagkatha
sapagkat nakapagninilay ng mahaba-haba
oo, makata'y labandero ring abalang sadya
sa gawaing bahay kaysa sa langit tumingala

batya o timba'y agad ihanda, lagyan ng tubig
ilagay ang labadang ang libag ay nang-uusig
ihanda ang sabong pulbo o bareta, ang bisig
na payat na magkukusot ng duming mapanglupig

kusutin ang kwelyo, bandang singit at kilikili
ang palupalo'y gamitin upang dumi'y iwaksi
banlawan pagkatapos at pigain nang maigi
habang napagninilayan ang paksang di masabi

nilabhan ay ihanger o sa sampayan isampay
sa sikat ng araw o hangin patuyuing tunay
ah, kaysarap maglaba't may paksang natatalakay
sa diwang patuloy sa pagkusot ng naninilay

- gregoriovbituinjr.
07.01.2022

Salamin

SALAMIN

natanaw ko lamang ang repleksyon
sa isang nagbabanggaang alon
ng pagkalumbay na nilululon
maging yaong haraya ng kahapon

bawat aksyon ay sumasalamin
sa tindig sa maraming usapin
tulad kong iba ang tutunguhin
batay sa yakap kong simulain

anila, wala naman daw iyan
sa napili mong sining at daan
tila ba sila'y nakukulangan
sa nakita nilang kapayakan

narinig ko lang ang mga hibik
noong tumitindi ang tikatik
kaya di na nagpatumpik-tumpik
sa papadatal na sigwa't lintik

- gregoriovbituinjr.
07.01.2022