SA SINAPUPUNAN NI INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
noon, siyam na buwan tayong napatira
sa sinapupunan ng mahal nating ina
wala pang malay subalit nakadarama
may pintig subalit di pa nakakakita
ngunit nang lumabas na sa sangmaliwanag
laking katuwaan ang ipinahahayag
ng unang uha na kay ina'y nagpapitlag
at sa labis na saya, luha'y nangalaglag
naroon sa duyan ang malusog na sanggol
inuugoy habang ina'y pasipol-sipol
mahal man ang gatas ang ina'y gumugugol
dadapong lamok nais ng inang malipol
lambing ng inang bata'y lumaking malusog
kahit na sa paglaki'y di na maging bantog
ina'y ganyan, nangangalaga, umiirog
sa anak nang magandang bukas ang ihandog