Biyernes, Mayo 21, 2021

Halina't magtanim

HALINA'T MAGTANIM

halina't magtanim, maging magsasaka sa lungsod
urban farming ay sama-sama nating itaguyod

paghandaan na natin kung ano man ang mangyari
na may mapipitas na pagkain sa tabi-tabi

walang malaking lupa, di tulad sa lalawigan
ngunit may mga pasong maaari mong pagtamnan

lalo na't may pandemya, aralin ang pagtatanim
upang di magutom, maiwasan ang paninimdim

tipunin ang walang lamang delata't boteng plastik
lagyan ito ng lupa at mga binhi'y ihasik

magtanim ng gulay, ibaon ang binhi ng okra, 
sili, munggo, sanga ng alugbati, kalabasa

magtanim tayo ng talbos ng mustasa't sayote
at walang masamang magtanim tayo ng kamote

di dahil walang ayuda'y sa gutom magtitiis
kumilos ka't magtanim ng gulay mong ninanais

alagaang mabuti ang anumang itinanim
laging diligan, balang araw ay mamumunga rin

upang pamilya'y di magutom, may maaasahan
may mapipitas na gulay kung kinakailangan

- gregoriovbituinjr.

Mag-ingay laban sa karahasan

MAG-INGAY LABAN SA KARAHASAN

mag-ingay laban
sa karahasan
at ipaglaban
ang karapatan

walang due process
naghihinagpis
ang ina't misis
na nagtitiis

krimen ang tokhang
na pamamaslang
na karaniwang
dukha'y timbuwang

dapat managot
yaong may-utos
at mga hayop
na nagsisunod

mahal sa buhay
yaong pinatay
hustisya'y sigaw
ng mga nanay

- gregoriovbituinjr.

* kuha sa pagkilos sa Black Friday laban sa EJK

Pagpupugay kay Miss Myanmar 2020

PAGPUPUGAY KAY MISS MYANMAR 2020

napanood ng madla si Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin
sa nakaraang Miss Universe, sadyang matapang din
tangan ang plakard na "Pray for Myanmar," nakita natin
panawagan sa bansa kung saan siya nanggaling

pulitikal na mensahe sa buong mundo'y dala
ang Miss Universe ang ginawa niyang plataporma
plakard na hawak ay nananawagan ng hustisya
para sa piniit at pinaslang sa bansa nila

nagkudeta ang militar Pebrero nitong taon
at maraming nagprotesta ang nangamatay doon
mga halal na lider ng Myanmar ay ikinulong
tindig sa isyu'y sa Miss Universe niya sinulong

ang kanyang Miss Universe National Custome ay simple
subalit napagwagian ito ng binibini
sigaw din niya'y palayain si Daw Aung San Suu Kyi
at ngayon sa kanyang bansa'y nais siyang mahuli

ayon sa balita'y may arrest warrant pala siya
at nais ikulong ng Myanmar military junta
sa kanyang bansa'y naging tinig na ng demokrasya
buting huwag munang umuwi't ikukulong siya

pagpupugay kay Miss Myanmar sa kanyang katapangan
tandaan, Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin ang kanyang ngalan
ginawa niya'y kapuri-puri't kabayanihan
bunying babaeng marapat lang nating saluduhan

- gregoriovbituinjr.

Kamatis at talong sa pananghalian

KAMATIS AT TALONG SA PANANGHALIAN

bata pa lang, hilig ko na ang kamatis at talong
sakaling wala ang paboritong pritong galunggong
na sinasawsaw ko sa kalamunding at bagoong

ubos na ang okra't talbos, may talong at kamatis
ulam sa pananghalian, pampakinis ng kutis
animo suliranin ay ramdam mong mapapalis

simpleng pamumuhay, masalimuot man ang buhay
trabaho nang trabaho at nagsisipag ngang tunay
pagdatal ng dilim ay patuloy sa pagninilay

salamat sa kamatis at talong, nakabubusog
tila matamis na pag-ibig ang inihahandog
lalo't tama lang ang pagkaluto't di naman lamog

tila baga ang pagluluto'y pagkatha ng akda
kamatis at talong ay ginagayat munang kusa
sa kawali'y adobohin o kaya'y ilalaga

hanggang maamoy mo na't malasahan yaong sarap
na animo'y natutupad ang aba mong pangarap
mga pinagsamang salita'y naging tulang ganap

- gregoriovbituinjr.

Ang batang magalang at ang guro

ANG BATANG MAGALANG AT ANG GURO

salamat sa mga batang magalang
masunurin sa kanilang magulang
sa matatanda'y nagmamano naman
di nagdadabog kapag inutusan

sa paaralan sila natututo
dahil sa gurong dakilang totoo
nangangaral paano rumespeto
lalo na sa karapatang pantao

sa mga guro, maraming salamat
dahil sa inyo, bata'y namumulat
sa paligid ay huwag magkakalat
tinuruan ding magbasa't sumulat

sadyang dakila kayong mga guro
bata'y natuto sa inyong panuto
tiyak aral ninyo'y di maglalaho
pagkat naukit na sa diwa't puso

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng ZOTO Learning Center nang minsan siyang dumalaw doon

Community pantry'y nagsara nang dinagsa ng tao

COMMUNITY PANTRY'Y NAGSARA NANG DINAGSA NG TAO

mapapaisip ka kung di nakinig ng balita
lalo't community pantry na layon ay dakila
ay bigla nga raw nagsara nang dumugin ng madla
aba'y bakit? dapat lang natin itong mausisa

bawat community pantry'y talagang dadagsain
lalo't walang ayuda galing sa gobyerno natin
upang sa pamilya'y may maiuwing makakain
malayo man ang pinanggalingan ay pipila rin

kaygandang layon, magbigay ayon sa kakayahan
gayundin, kumuha ayon sa pangangailangan
bawat community pantry'y talagang pipilahan
na pagbabakasakali laban sa kagutuman

lalo't nawalan ng trabaho ang maraming ama
mga pabrika'y nagsarahan dahil sa pandemya
subalit nasabing pantry'y bakit kaya nagsara
dahil daw di sumunod sa health protocol ang masa

kung maayos lamang ang gabay ng pamahalaan
pila'y naayos sana't sumunod ang mamamayan
naroon sana'y nakakuha kahit minsan lamang
nang pamilyang nagugutom ay makakain naman

- gregoriovbituinjr.

Ang makatang di nagsasalita

lagi na lang daw akong nakamulagat, tulala
isasama sa grupo nila'y di nagsasalita
sabi ng isang may katungkulang tinitingala
ganito ba ang tulad kong masipag na makata

di nga ba nagsasalita ang tulad kong madaldal
na sa katabilan ko, tingin sa akin ay hangal
madada, nagpapatawa kahit di naman bungal
kung di masalita, wala na sa aking tatagal

di nagsasalita ngunit di naman isang pipi
di nagsasalita ngunit kayraming sinasabi
laging itinutula ang laman ng guniguni
madaldal sa bawat katha, sinasabi'y kayrami

naging sekretaryo heneral ng ilang samahan
tagapagpadaloy ng pulong madalas at minsan
makatang nilalakad ay milya-milyang lansangan
upang makarating lamang sa abang pupuntahan

kung ayaw sa akin ng tinitingalang pinuno
di naman ako namimilit, gusto kong lumayo
ayoko rin sa kanila, nais ko nang maglaho
buti pa sa panitikan, madaldal at di dungo

- gregoriovbituinjr.