Huwebes, Oktubre 7, 2021

Dalumat

DALUMAT

patuloy pa ring bumabangon sa pusod ng sindak
dahil sa salot na laksang buhay na ang hinamak
tila ba ang kasalukuyan ay puno ng lubak
na hinaharap ay di batid saan masasadlak

magagawa lang ba natin, tayo'y magkapitbisig?
sama-samang kumilos upang salot ay malupig?
ngunit paano? subalit dapat tayong mang-usig
may dapat bang managot? anong dapat nating tindig?

may takot na sa virus sa bawat nitong kalabit
dinggin mo sa pagamutan ang laksa-laksang impit
ang bawat daing nila sa dibdib mo'y gumuguhit
ito bang sangkatauhan ay patungo sa bingit

at kapag nagising pa sa umaga'y pasalamat
patuloy lang sa ginagawa habang nakadilat
pagtulog sa gabi'y walang alalahaning sukat
pagkat tanggap na ng loob ang dating di dalumat

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021

Sa laot

SA LAOT

nilulumot ang mga anino sa guniguni
habang nakamasid ang mga sirena sa tabi
palubog na ang araw at malapit nang gumabi
at dumaan ang siyokoy na tila nagmumuni

nais kong sisirin ang kailaliman ng dagat
upang galugarin ang lugar na di ko masukat
ay, naglutangan ang mga plastik, kayraming kalat
ang pagdumi ng laot ay kanino isusumbat

kayganda ng dagat kung pagmamasdan sa malayo
ngunit lapitan mo, tiyak puso mo'y magdurugo
tangrib at bahura'y bakit nasira't nangatuyo
dahil din ba sa climate change, pag-iinit ng mundo

nakita ko ang isang siyokoy na lumuluha
habang tinatanggal ang plastik sa bibig ng isda
na sa araw-araw, madalas niyang ginagawa
kapwa nilalang sa laot ay sasagiping sadya

ano pa bang kaya nating magawa, kaibigan
upang matulungan ding luminis ang karagatan
habang sa guniguni ko'y may matinding labanan
sigaw ng siyokoy, "Dagat ay hindi basurahan!"

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021

litrato mula sa google

Tikas

TIKAS

tikas ko'y nawala bilang aktibistang Spartan
nang ma-covid, katawang bakal pala'y tinatablan
mukhang di na nagamit ang bawat kong natutunan
bilang mabisang tibak sa anumang sagupaan

nawala sa oryentasyon nang sakit na'y dumapo
saan ako nagkamali't sinapit ko'y siphayo
dati'y nang-iinis lang ng mga trapong hunyango
habang sa kapwa maralita'y doon nakahalo

tila lumambot na ang kamaong may katigasan
nawala na ang tikas, animo'y di na Spartan
dama'y di na kawal ng mapagpalayang kilusan
pakiramdam na'y basahan sa isang basurahan

pasensya na po, ganito ang epekto ng covid
pag-ingatan n'yo rin ang katawan, mga kapatid
at huwag hayaang ang kalusugan ay mabulid
sa salot na covid na laksang buhay na'y pinatid

habang nagpapagaling, patuloy na nagrerebyu
kung makabalik kaya'y tanggapin pa ang tulad ko
habang inuunawa yaong samutsaring isyu
di lang itutula, kundi kikilos na totoo

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021