Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Di napapanahong paglisan

DI NAPAPANAHONG PAGLISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(alay sa ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Lean Alejandro)

lukob ng dilim ang bughaw na kalangitan
tumatangis yaon bagamat walang ulan
sa balita'y nagambala ang sambayanan
pagkat kanilang batid sa puso't isipan
di pa napapanahon ang kanyang paglisan

siyang nangarap ng isang bagong sistema
para sa bayan, laban sa imperyalista
lider na kumilos laban sa diktadura
sa lansangan ay laging kasama ng masa
bakit punglo ang tumapos sa buhay niya

sigaw ng katarungan ma'y nakaririndi
at itong sambayanan ay di mapakali
lalo't katahimikan ay nakabibingi
subalit tunay siyang sa bayan nagsilbi
kaya marapat lang itanghal na bayani

19 Setyembre 2012

Paaralang Aktibista


PAARALANG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

silang naroroo'y anak ng mga aktibista
na tulad kong nangangarap ng paglaya sa dusa
siyam na buwan silang aarali'y pulitika
magbabasa't utak ay hahasain sa teorya
pati syensya, matematika't ideolohiya
kahit wikang Ingles ay rekisitos sa kanila

nagtitiyagang mag-aral na mga kabataan
nagsisikap unawain ang mga kaalaman
nagpapakahusay sa iba't ibang karunungan
pati kasaysayan ng bansa'y pinag-aaralan
di lang magsaulo kundi suriin ang lipunan
nais din nilang matututo sa pakikipaglaban

apuhap mo ang hirap sa kanilang mga mata
ngunit matatanaw mo rin sa mata ang pag-asa
nag-aaral mabuti't pinaghahandaan nila
kung paano tutulungang mapalaya ang Burma
kung paano pamamahalaan ang bansa nila
kung paano mababago ang bulok na sistema

- sa DPNS Political School, Setyembre 18,  2012

Hustisya sa Mga Migranteng Manggagawa

HUSTISYA SA MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

manggagawang Burmes ka man o Pilipino
may karapatan tayo sa tamang pasweldo
di dapat naaapi ang mga obrero
ah, bakit ba api't lagi na lang ganito
mga karapatan ba nati'y nakanino

bakit karapatan nati'y di natin angkin
may karapatan lang ba'y ang nasa rehimen
karapatan ba'y nasa dagat na kaylalim
o ito'y nasa langit, kayhirap abutin
ang karapata'y di dapat bibitin-bitin

simbigat ng bundok kung walang katarungan
sa mga manggagawang mula ibang bayan
dahil ba migrante'y dapat nang pabayaan
ng nagpapatrabahong sukdulan ng yaman
dapat itama ang ganitong patakaran

hustisya sa manggagawang Pinoy at Burmes
pagyurak sa dangal, di dapat tinitiis
nagpapatrabaho'y di dapat magmalabis
hustisya sa bawat isa'y dapat mabilis
katarungan sa lahat itong aming nais

- Setyembre 18, 2012, sa YCOWA, na tanggapan ng mga migranteng Burmes sa Mae Sot

Sa Mga Kabataang Tibak

SA MGA KABATAANG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kabataan silang tulad ko'y aktibista
bukangliwayway ba'y nababanaag nila
nasa ibang bansa man ay nakikibaka
di bumibitaw sa pinapangarap nila

kalayaan, sisilang din ang bagong araw
pag-asa, sa bawat bukas ay matatanaw
paghahanda, kaharapin man ay balaraw
pangarap, ang minimithi'y di malulusaw

kabataan, magsikap ka't ikaw'y pag-asa
ng bayang nasa ilalim ng diktadura
tulad noon, Pilipinas ay parang Burma
mga kabataan ay nag-oorganisa

kayo ang pag-asa, O, mga kabataan
ng inyong bayang sinadlak sa kadiliman
dalhin ang inyong Burma sa kaliwanagan
hanggang sa lumaya ang buong sambayanan

- Setyembre 18, 2012, sa pagbisita sa tanggapan ng SYSB sa Mae Sot

Kababaihang Burmes, Pinay, atbp.

KABABAIHANG BURMES, PINAY, ATBP.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

babaeng Burmes at babaeng Pilipina
parehong api't parehong nakikibaka
para sa karapatang pantao't hustisya
nais nila'y kalayaan at demokrasya

tigib ng lumbay, may tinik sa kalooban
kayraming nabibiktima ng karahasan
kailan ba lalaya ang kababaihan
kailan ba magiging pantay ang lipunan

may nagtutunggalian sa kalooban ko
tila naglalaban ang kayraming anino
bakit sa kababaihan, iba ang trato
bakit karapatan nila'y di irespeto

kababaihan, dapat kayong palayain
tulad ng aking ina't mga kapatid din
mundo'y di lalaya pag babae'y alipin
paglaya ng lahat ay dapat nating gawin

- Setyembre 18, 2012, sa pagbisita sa tanggapan ng Burmese Women's Union sa Mae Sot

Sa ika-5 anibersaryo ng rebolusyong Saffron

SA IKA-5 ANIBERSARYO NG REBOLUSYONG SAFFRON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

anibersaryo ng rebolusyong Saffron
kayraming taong nagsidalo roon

dalawampung monghe'y nasa harapan
nagtalakay sila ng karanasan

bagamat di ko iyon maunawa
sa mata nila'y banaag ang luha

dama ang paglayang kanilang hangad
at sistema sa bansa'y mabaligtad

anibersaryong yao'y ikalima
tigib ng luha, galit, alaala

kung sa susunod, muling mag-aaklas
laban sa pamahalaang marahas

aking hangad ang kanilang tagumpay
mula sa puso itong pagpupugay

ang Burma'y dapat tuluyang lumaya
nang puso't isip nila'y pumayapa

- sinulat sa Ragira Hotel, Mae Sot,
umaga ng Setyembre 18, 2012