Sabado, Enero 17, 2026

Hustisya sa mga dalagita't batang pinaslang

HUSTISYA SA MGA DALAGITA'T BATANG PINASLANG

sa loob lang ng isang linggo'y nabalità
dalawang kinse anyos yaong ginahasà
at pinaslang, habang otso anyos na batà
nama'y pinaslang ng tiyuhing walang awà

ganyang mga ulat nga'y karima-rimarim
nangyari sa kanila'y talagang kaylagim
budhi ng mga gumawa'y uling sa itim
kung ako ang tatay, mundo ko na'y kaydilim

kung anak ko silang sa puso'y halukipkip 
tiyak na nangyari'y di ko lubos maisip
ilang araw, buwan, taon kong di malirip
ang mga suspek na halang, sana'y madakip

kung di man baliw, baka mga durugista
yaong mga lumapastangan sa kanila
ang maisisigaw ko'y hustisya! hustisya!
hustisya sana'y kamtin ng tatlong biktima!

- gregoriovbituinjr.
01.17.2026

* headline sa pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, at pahayagang Bulgar, Enero 13 at 17, 2026

Katha't nilay

KATHA'T NILAY

nagpapasalamat akong totoo
sa bawat kasama't mga katoto
na sa maraming labanan at isyu
ay nagkaisang magtagumpay tayo

pag may isyu nga akong natitisod
susuriin, aalamin ang buod
gagawan na ng tula't ia-upload
kapara ng busóg, palaso't tunod

pag sa mga isyu'y di mapalagay
ay magsasaliksik ng walang humpay
habang prinsipyo'y isinasabuhay
at hanay ay ating pinatitibay

makatâ mang walâ sa toreng garing
iwing diwa'y mananatiling gising
trapo't burgesya man ay sumingasing
ang masa'y di mananatiling himbing

salamat, kadukha't kamanggagawà
sa tulong kahit daanan ng sigwâ
kakathâ at kakathâ ang makatâ
bilang ambag sa layuning dakilà

- gregoriovbituinjr.
01.17.2026