Sabado, Marso 28, 2020

Halina't tangkilikin ang Taliba ng Maralita

Tanging publikasyon ng mga maralitang lungsod
Ang pahayagang sa kapwa dukha'y tunay na lingkod
Lubusan itong pinagsisikapang itaguyod
Ito'y alay sa dalita bilang lingkod at tanod

Balita't isyu ng maralita'y nilalathala
At may susubaybayan pang komiks at laksang tula
Nakikibaka, magsusulat, adhika'y dakila
Gisingin ang diwa, magsuri, maglingkod sa madla

May kongkretong pagsusuri sa bawat kalagayan
At misyong magmulat upang baguhin ang lipunan
Rebolusyon man ay gagawin nang mamulat ang bayan
At susulatin pati prinsipyo ng sambayanan

Lubos ang pasalamat namin sa tumatangkilik
Ito'y dyaryo ng dukha't kasangga nilang matalik
Taliba natin, pag may isyu'y di tumatahimik
At kung kailangan, magmulat upang maghimagsik

- gregbituinjr.

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

* Ang mga sumusunod ang halimbawa ng unang pahina ng 20-pahinang Taliba ng Maralita:



Di man kumain makabili lang ng Liwayway

minsan, di kakain ng agahan o tanghalian
pera'y laan sa Liwayway upang mabili ko lang
pagkat ito ang tanging magasing pampanitikan
na nasusulat pa sa sariling wika ng bayan

kaysarap ding basahin ng komiks, kwento't sanaysay
at sa tula ng mga makata'y mapapanilay
ito nga'y pinag-iipunan kaya nagsisikhay
kahit di kumain makabili lang ng Liwayway

dati'y lingguhan, dalawang beses na isang buwan
at sentenaryo na nito, dalawang taon na lang
nais ko lang magmungkahi upang dobleng ganahan
isang tula bawat labas ay gawing dalawahan

mabuhay ang Liwayway pati manunulat nito
patuloy nating tangkilikin ang magasing ito
O, Liwayway, ikaw ang dahil bakit pa narito
isa ka nang moog sa panitikang Pilipino

- gregbituinjr.


Mabuhay ang magasing Liwayway

Mabuhay ang Liwayway, magasing pampanitikan
Ako'y sumasaludo sa iyong kadakilaan
Ginugugol ko'y panahon upang mabili ka lang
At mabasa ang mga akda mong makabuluhan
Sinag ka sa diwa at rubdob ng bawat paglikha
Ikaw ang sa maraming manunulat ay simula
Nasa sinapupunan mo'y mga dakilang katha
Ginigising ang bayan ng mga bago mong akda
Liwanag sa karimlan ng isip ang inaalay
Ikaw itong sa bayan ay natatanging Liwayway
Wari ang mga nalathalang akda'y gintong lantay
At kami sa iyo'y lalagi nang nakasubaybay
Yinayari mo'y sadyang makasaysayan sa bansa
Wagas at dalisay ang paglilingkod mo sa madla
Asahang kami'y kasangga mo kahit walang wala
Yamang ikaw ang ilaw sa bayang nagdaralita
- gregbituinjr.

* napili ang litratong ito ng isyu ng Liwayway dahil nalathala kasabay ng kaarawan ng makata

Makiisa sa Earth Hour

Makiisa sa Earth Hour

Makiisa tayo sa Earth Hour, kababayan ko
At kumilos para sa nag-iiisa nating mundo
Kalikasang matagal nang sinisira ng tao

Itong Earth Hour ay pagmulat sa katotohanan
Isang aktibidad upang kumilos bawat bayan
Sa halaga ng pangangalaga sa kalikasan

Ating gawin ang Earth Hour bilang partisipasyon
Sabado, huling linggo ng Marso, sa bawat taon
At isara ang ilaw ng isang oras ang layon

Earth Hour, kung sa buong mundo'y sabay na gagawin
Ay pagtaguyod sa pag-alaga ng mundo natin
Ramdam agad na bawat isa'y kumikilos na rin

Tahimik man nating gawin ang pagpatay ng ilaw
Habang iniisip ang buhay sa mundong ibabaw
Humayo't ibahagi ang aral na mahahalaw 

Organisahin na ang Earth Hour sa ating bansa
Upang magpartisipa ang marami, kahit dukha
Resulta'y tiyak na may bungang maganda sa madla

- gregbituinjr. 
03.28.2020

* Sa March 28, 2020, araw ng Sabado, ay EARTH HOUR. Halina't makiisa sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw mula 8:30 pm hanggang 9:30 pm.

* Ang Earth Hour na sinimulan sa Sydney noong 2007 ang isa na sa pinakamalaking pagkilos ng mamamayan sa buong mundo na layuning mamulat ang bawat mamamayan sa pangangalaga ng nag-iisa nating daigdig.

Mula sa: https://www.earthhour.org/