SA PAG-IBIG, ANG PINAGHIRAPAN, MAY KATUPARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
noong unang panahon, ang harana'y kaganapan
habang umaawit, dalaga'y iyong pagmamasdan
ninanais mong makasama ang gayong kariktan
aalayan ng puso, buhay at paninindigan
ipagsisibak ng kahoy kung kinakailangan
mag-iigib ng tubig sa balon ng kagitingan
adhikang nililiyag mo'y ibigin kang tuluyan
sa pag-ibig, ang pinaghirapan, may katuparan
di man madaling mapagtagumpayan ang pag-ibig
iwawaksi lahat ng sa puso'y dusa't ligalig
pag ang kaytamis niyang oo'y nakamtan mong tunay
anong ligaya mo't lahat na'y iyong ibibigay
mamahalin siyang higit pa sa iwi mong buhay
puso't iwing pagkatao sa kanya'y iyong alay
bubuo ng pamilya't ang bawat isa'y kalakbay
dumatal man ang suliranin, laging magkaramay
kung sakali mang siya sa daigdig mo'y mawalay
mamamatamisin mong mawala na rin at mamatay
sa pag-ibig, ang pinaghirapan, may katuparan
lalo't puso'y sumusumpa ng buong katapatan