Martes, Hunyo 1, 2021

Walang kalat sa unang araw ng buwan?

tara, simulan natin ang unang araw ng buwan
nang walang kalat, nangangalaga sa kalikasan
ilang araw na lang at Araw ng Kapaligiran
salubungin natin ito ng may kahinahunan

walang kalat na mga basurang upos at plastik
at kung kinakailangan, tayo na'y mag-ecobrick
kabawasan din sa basura ang pagyo-yosibrick
plastik at upos ay isisiksik sa boteng plastik

alam nyo bang World Bicycle Day sa Hunyo ikatlo
World Environment Day na sa ikalima ng Hunyo
at World Food Safety Day naman sa Hunyo ikapito
dagdag pa ang World Oceans Day sa Hunyo ikawalo

unang araw ng buwan ay salubunging maayos
kung saan malinis ang paligid kahit hikahos
sa karagatan ay walang lumulutang na upos
tahanang daigdig ay inaalagaang lubos

- gregoriovbituinjr.
06.01.2021

Soneto sa musa

SONETO SA MUSA

tulad mo'y patak ng ulan
sa aking munting katawan

tulad mo'y init ng araw
sa panahong anong ginaw

tulad mo'y mga kataga
sa dagli, kwento ko't tula

tulad mo'y punong malilim
sa puso kong naninimdim

tulad mo'y isang bulaklak
pag ikaw ay umiindak

tulad mo'y isang diwata
inspirasyon sa pagkatha

musa ka niring panitik
na pluma ko ang katalik

- gregoriovbituinjr.