Biyernes, Agosto 22, 2025

Pagninilay-nilay

PAGNINILAY-NILAY

aanhin kong umabot ng sandaang taon
kung nakaratay sa banig ng karamdaman
kung sa mundong ito'y natapos na ang misyon
kung wala na akong silbi sa sambayanan

ang sabi ko, ayokong mamatay sa sakit
mas nais kong mamatay sa tama ng bala
katatagan at kalusugan yaring bitbit
habang patuloy na naglilingkod sa masa

maabot ko lang ang edad pitumpu't pito
ay ayos na sa akin, laksa'y kakathain
sakaling abutin edad walumpu't walo
ito'y pakonswelo na lamang, sige lang din

kaya tara na, patuloy pa ring kumilos
bagamat wala pang sisenta't tumatanda
halina't sumabay pa rin tayo sa agos
ng kasaysayan, kasama'y obrero't dukha

- gregoriovbituinjr.
08.22.2025

Free! Free Palestine!

FREE! FREE PALESTINE!

"Mula ilog hanggang dagat 
lalaya rin ang Palestine!"
panawagan itong sukat
niyong laya ang mithiin

ang lupaing Palestinian
ay inagaw ng Israel
sinakop ng mapanlinlang
at buhong na mapaniil

Palestino'y itinaboy
sa sarili nilang lupa
dugo nila'y isinaboy
dyenosidyo'y sadyang banta

Free! Free Palestine! ang hiyaw
ng Pilipino tulad ko
pagkat animo'y balaraw
ang itinarak ng Hudyo

sa kanilang mga dibdib
umalingasaw ang dugo
sugat man ay di maglangib
sa laya sana tumungo

- gregoriovbituinjr.
08.22.2025

* litratong kuha noong Agosto 21, 2025
* salamat sa kasamang kumuha ng litrato