Linggo, Marso 10, 2013

Katugmaan


KATUGMAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

di na tayo mga bata
sa pakikisalamuha

may prinsipyo ang wika
habang tayo'y tumatanda

kaya dapat laging tugma
ang ating salita't gawa

pagkat ang gagawing tama
ay dapat sa ating kapwa

Di Amanos


DI AMANOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ikaw nagtanim, sila ang nanalbos
ikaw nagbayo, ikaw ang kinapos
ikaw bumili, sila ang umubos
ito'y may aral pag iyong tinantos
mauunawang ito'y di amanos
ang ganitong sistema'y maling lubos
dapat baguhin nang maging maayos
ang mundong kaytagal nang naghikahos

Huwag mong hanapin ang wala sa akin


HUWAG MONG HANAPIN ANG WALA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maraming wala sa akin, sinta
na kaya mong hanapin sa iba
ngunit maraming wala sa kanya
na sa akin mo lang makikita

may pagtatangi ang bawat tao
iba siya at iba rin ako
sa pag-ibig, nagkaisa tayo
pag-ibig ko'y para lang sa iyo

kaya, sinta, huwag mong hanapin
ang anupamang wala sa akin
hindi ba't ako'y tinanggap mo rin
sapat ko't kulang ay inibig din

minahal mo'y ang kabuuan ko
inibig ko'y ang kabuuan mo
ang ako'y ikaw din, o, sinta ko
pagkat iisa na lamang tayo