Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Pagbabasa ang aking kanlungan

PAGBABASA ANG AKING KANLUNGAN

pagbabasa ang aking kanlungan
sa panahong yaring diwa'y lutang
kapag buraot ang pakiramdam
kapag panlasa'y walang linamnam
kapag buryong ay di napaparam

sa pagbabasa'y may nararating
lalo't puso't diwa'y nagigising
kunwa'y patungo sa toreng garing
na tambayan daw ng magagaling
na makata't awtor na maningning

pagbabasa ng maraming paksâ
ay malimit ko nang nagagawâ
tulad ng balita, kwento't tulâ
upang diwa'y mapagyamang sadyâ
lalo't akda'y nagbibigay-siglâ

taospusong nagpapasalamat
ang inyong lingkod sa dyaryo, aklat,
magasin, isyung nahahalungkat
pagbabasa'y kanlungan kong sapat
upang maging dilat at mamulat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Bawal bata

BAWAL BATA

bawal ang bata sa upuan sa harapan ng dyip
di nakaligtas sa akin ang paskil na nahagip
agad nilitratuhan pagkat aking nalilirip
na wasto ang nakasulat, at ako'y napaisip

na kaligtasan agad ng bata ang kahulugan
halimbawa'y isang sanggol na ina ang may tangan
o bata mang di pa pumapasok sa paaralan
na pag biglang nagpreno ang dyip, di sila masaktan

ang kaligtasan ng mga bata'y malaking hamon
lalo't magulang, patunay ang paskil na ganoon
kaya magaling talaga ang nakaisip niyon
kung batas na ito'y saludo sa nagpasa noon

bawal ang bata ipwesto sa madaling disgrasya
sa loob man ng dyip, malayo sa pintuan sila
na sa biglaang preno'y tumilapon, mahirap na
sa naglagay ng paskil, salamat at mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa Fab

SA FAB

nandito akong muli sa paboritong FabCaffe
datapwat di kape, iniinom ko'y tsokolate
mainit na Dark Choco habang nagmumuni-muni
tangan ang pluma, tikim-tikim, anong sarap kasi

isa ito sa mga malimit kong pagtambayan
kung nais mo akong mahanap ay dito puntahan
at bakasakaling ako'y dito mo matyempuhan
inom lang ng inom habang may pinagninilayan

mamaya, isusulat na kung anong nalilirip
pagkat sa pagmumuni'y marami akong nahagip
tinula ko'y basahin mo't di ka na maiinip
at mababatid mo na rin ang nasa aking isip

kaya sa FabCaffe, taospusong pasasalamat
pagkat dito'y nakaka-relax na't nakasusulat
at kung may suliranin man o ang puso'y may sugat
umorder lang at tumambay sa FabCaffe na'y sapat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip
matapos magpa-antigen, buti't di na positive
piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit
mangingiti ka sa "Bawal ang Kabit, Este Sabit"

dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas
kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas
sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas
laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas

kaya seguridad iyon para sa pasahero
upang walang basta sumabit sa mga estribo
lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo
kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho

bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda
palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka
sa pasahero'y seguridad na, paalala pa
salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa aklatan

SA AKLATAN

kung sakaling makabisitang muli sa aklatan
nais kong maghapon doon, kahit walang kainan
magbabasa, magsasaliksik, magsusulat lamang
pagbabasa sa aklatan ay gawaing kay-inam

subalit sa pampublikong aklatan ay may oras
na pagdating ng alas-singko'y dapat nang kumalas;
ngunit kung may sariling aklatan, di na lalabas
makakapagbasa ka kahit na papungas-pungas

bumili ka ng aklat, mag-ipon ng babasahin
at sa mga libre mong oras, saka mo basahin
magbasa ka kahit abutin pa ng takipsilim
baka marami kang matuklasan at tutuklasin

dahil ang bawat aklat ay para na ring kapatid
pagkat kayraming kaalamang doon mababatid
mga mensahe ng awtor sa diwa hinahatid
kaya maraming sikretong sa iyo'y di na lingid

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021