Sabado, Mayo 21, 2016

Patuloy ang pagkilos ng masa

PATULOY ANG PAGKILOS NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy na kikilos ang masa, magpoprotesta
di pa matatapos ang mga rali sa kalsada
mga bagong upo'y subukan kung para sa masa
o kinatawan pa rin ba ng bulok na sistema

huwag tayong basta maidlip, baka makalingat
at magbalik muli ang lagim na di madalumat
noong diktaduryang ang karapata'y nagkalamat
patuloy tayong magmasid, magsuri at mag-ingat

Paghandaan ang La Niña

PAGHANDAAN ANG LA NIÑA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

halina't maghanda, di lang para magprotesta
kundi anong gagawin pagsapit ng La Niña
patuloy bang magugutom yaong magsasaka
habang nagsasaya sa bigas itong burgesya
ang masa ba'y pauulanang muli ng bala
habang walang bigas sa mesa ng dukhang masa

Gubat na kongkreto

nawawala ang pagpapakatao
pag naitayo'y gubat na kongkreto
nasa puso'y laging tubo't negosyo
wala nang paki sa dukha't obrero

sasagasaan pati mga lumad
dahil sa istruktura ng pag-unlad
di pangkalahatan ang nalalantad
kundi sarili'y bumundat ang hangad

- gregbituinjr.

Naninipsip ng dugo ng obrero't dukha

sinumang nang-iinsulto sa manggagawa
kung hindi bampira’y baka talagang linta
naninipsip ng dugo ng obrero't dukha
sa ganyang tao, madla'y walang mapapala
kundi pawang dusa sa kamay ng kuhila

- gregbituinjr.