Linggo, Enero 30, 2011

Huwag Basta Lumuhod, Makibaka Ka!

HUWAG BASTA LUMUHOD, MAKIBAKA KA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa problema ng bayan, luluhod ka lang ba?
bubulong-bulong lang, imbes magsuri ka
nag-aakalang masasagot ang problema
sa luhod at bulong imbes na makibaka

sa ginawa mo'y di ka ba nag-aalala
baka niluhuran mo'y biglang sipain ka
at sasabihan kang, "Ano't tatanga-tanga?
imbes na lumuhod, dapat kang makibaka"

"Nasa Dyos ang awa, nasa tao ang gawa."
ayon sa kasabihan nitong matatanda
ang pagluhod nga ba'y tanda ng mahihina
imbes kumilos, bumubulong, lumuluha

"kumilos ka naman, huwag kang tumunganga"
bulong ng rebulto, "baka kita masipa"
pag kumilos ka, ang rebulto'y matutuwa
"ang mga kumikilos ay pinagpapala"

kilos na't suriin kung ano ang problema
ng sarili mo, ginagalawan, pamilya
kung problema mo'y kaugnay ng pulitika
kilos na't baguhin ang bulok na sistema

di matutugunan ng basta pagluhod lang
ang mga problemang sa iyo'y humambalang
dapat kang magsuri, matuto kang lumaban
tandaang "ang takot ay nasa isip lamang"