Sabado, Hulyo 5, 2025

Si alaga

SI ALAGA

sa bahay ay kauuwi lang sadya
pawisan mula lakarang kayhaba
at agad kong natanaw si alaga
na sa kanyang kama ay nakahiga

si misis ang bumili ng higaan
ng pusang aming inaalagaan
tila pagod ko'y agad napalitan
ng ginhawa nang pusa'y masilayan

hinayaan ko siyang magpahinga 
at ako'y nagpahinga na rin muna
sumagi sa isip ang kalabasa
at galunggong na inulam kanina

nasa dila ko pa ang mga iyon
at sa bahay pa lang makakainom
ay, di nakapag-uwi ng galunggong 
na kay alaga sana'y pasalubong

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Walang pagod sa pagkilos

WALANG PAGOD SA PAGKILOS

walang pagod pa rin sa pagkilos
ang tulad kong makatang hikahos
nakikibaka pa rin ng taos
kikilos kahit walang panggastos

basta lang tula pa rin ng tula
ang prinsipyado't abang makatâ
paksa'y dukha't problema ng bansa
at kasanggang uring manggagawa

tuloy ang pagkilos sa kalsada
patuloy pa ring nakikibaka
asam ay makamtan ang hustisya
para sa obrero't aping masa

puso'y maalab, kapara'y apoy
nadarama ma'y hirap at kapoy
pasan man ay mabigat na kahoy
pagkilos dapat ay tuloy-tuloy 

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Tiyuhin pa ang nanggahasa

TIYUHIN PA ANG NANGGAHASA

di lang libog kundi mental problem?
kaya ni-reyp ang tatlong pamangkin
o marahil nakadroga man din
sa bawal na gamot ba'y alipin?

naibulgar ay kaytinding ulat 
tatlong totoy ang ni-reyp ni uncle
epekto raw ng marihuwana
kaya nagawa iyon ng suspek

pamangkin niya'y tatlong lalaki
ang akala ko'y pawang babae
statutory rape ang kinaso
kaya siya na'y kinalaboso

kahindik-hindik iyang balita
tatlong pamangkin ang ginahasa
sadyang walang budhi ang gumawa
na talaga ngang kahiya-hiya

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

* tampok na balita (headline) sa pahayagang Bulgar, Hulyo 5, 2025, at ulat sa pahina 2