Sabado, Agosto 8, 2020

Ako'y aktibista

ako'y aktibista, kalaban ng mga kriminal
pinaglalaban ang karapatang pantao't dangal
ng kapwa't sambayanan laban sa ganid at hangal
na namumuno sa bayan, lideratong pusakal

hangad naming aktibista'y lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
na dignidad at wastong proseso'y nirerespeto
at nakikipagkapwa sa bawat isa sa mundo

kaaway kami ng namumunong mapagmalabis
sa pwesto kaya dukha sa hirap na'y nagtitiis
kalaban kami ng mga tuso't gahamang burgis
na magpasasa't tumubo ng limpak lang ang nais

nakikiisa kami sa laban ng manggagawa
kaisa rin kami sa pakikibaka ng dukha
kakapitbisig kami ng hukbong mapagpalaya
upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa

ang bayan at ang lipunan ay aming sinusuri
napagnilayan naming ang pribadong pag-aari
ang ugat ng kahirapan, nagpasulpot ng uri,
kaya may mapagsamantala't uring naghahari

ako'y aktibista, na kalaban ng mararahas,
hinahangad naming umiral ang pagiging patas,
karapatan, wastong proseso, lipunang parehas
walang mayaman o mahirap sa harap ng batas

sa pangarap na lipunang makatao'y marubdob
at luklukan ng lumang lipunan ay itataob
habang bulok na sistema'y sa putik isusubsob
habang lilipulin naman ang masasamang loob

aming itatayo'y isang makataong lipunan
na walang inaapi't pinagsasamantalahan
itatayo ang gobyernong walang katiwalian
at pakikipagkapwa ang panuntunan ng bayan

- gregbituinjr.
08.08.2020

Nilay sa paglisan

para lamang akong naghihintay ng kamatayan
doon sa malayong lugar na animo'y himlayan
tila ba yaon ay sementeryo na't pahingahan
payapang-payapa, malayo sa anumang laban
di ganito ang buhay at kamatayan kong asam

mamamatay lang ba ako sa sakit na natalos?
o mamatay akong sa noo'y may balang tumagos?
gayong nakibaka sa anumang pambubusabos
gayong sa bulok na sistema'y nakikipagtuos
at pinaglaban ang dignidad ng kapwa hikahos

nais kong mamatay sa laban, sa pakikibaka
di sa payapang lugar na buhay mo'y binalasa
nais kong mamatay, di sa sakit, kundi sa bala,
na nakibaka para sa panlipunang hustisya,
na ginawa ang layon para sa obrero't masa

sana'y matupad ang kamatayan kong ninanais
at nasa aktwal na laban pag tuluyang nagahis
tiyaking sapol, nang di na mabuhay pagkat daplis,
na ako'y aktibistang nakibakang labis-labis
na ang makata'y naglingkod sa kabila ng hapis

sinong makapagsasabing paano ba mamatay?
sinong magsasabing paano ako mamamatay?
kundi ang taong sasadyain kang kitlan ng buhay
kung anuman ang mangyari, saanman humandusay
nawa'y ilibing ng maayos ang iwi kong bangkay

- gregbituinjr.