Sabado, Setyembre 23, 2023

Sa pagkatha

SA PAGKATHA

di dahil sa inspirasyon kaya nakatutula
maysakit man, malungkot, nagdurusa, o tulala
di man inspirado, basta may sasabihing sadya
ay kaya mong isulat anumang nasasadiwa

huwag tititig sa papel kung walang sasabihin
at doon pipiliting pag-isipan ng malalim
ang paksang di pa batid o nakalutang sa hangin
huwag haharap sa kompyuter kung walang gagawin

basta may sasabihin ka'y tiyak makasusulat
maisasatitik ang anumang nadadalumat
may maaakda sa pagitan man ng mga sumbat
may makakatha gaano man kalalim ang sugat

huwag hintaying inspirasyon ay basta dumampi
na mangyayari'y mapapakagat ka lang sa labi
magsulat ka lang tulad ng pagtatanim ng binhi
isang payo iyang sa inyo'y nais ibahagi

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Kampyon sa walong dibisyon

KAMPYON SA WALONG DIBISYON

iisa lang ang sagot sa palaisipan
sino ba ang 8-division champion ng boxing?
tinatanong pa ba iyan? si Pacquiao iyan!
boksingerong Pinoy na talagang kaygaling

sa labingpitong weight classes na naririyan
nagkampyon sa walong magkaibang dibisyon
nagkampyon sa flyweight, ang kauna-unahan
sa super bantamweight at featherweight paglaon

dalawang beses kampyon sa superfeatherweight
na kapwa laban kay Juan Manuel Marquez
panglimang dibisyon nang magkampyon sa lightweight
titulo'y naagaw niya kay David Diaz

ikaanim na dibisyon ang light welterweight
nang maagaw kay Ricky Hatton ang titulo
anim na buwan pa'y nagkampyon sa welterwight
nang ma-knowout naman niya si Miguel Cotto

sa light middleweight naman ay nagkampyong tunay
pangwalo laban kay Antonio Margarito
hinangaan si Pacquiao sa bilis at husay
walong dibisyon, kahanga-hangang totoo

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Komentula

KOMENTULA

di raw ako masalita
tila tinahi ang dila
madaldal lang daw sa tula
at doon ngawa ng ngawa

sa tula nahahalata
ang damdamin ng makata
anuman ang sapantaha
sa katha sinasariwa

patuloy lang sa pagkatha
ang makatang maglulupa
kay-ingay ng nasa diwa
animo'y rumaragasa

mag-ingay ka pa, makata
ikaw na di masalita
sa toreng garing ma'y wala
kinakatha'y komentula

- gbj/09.23.2023