Miyerkules, Mayo 19, 2010

Duguan Pa ang Dilaw na Laso


DUGUAN PA ANG DILAW NA LASO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sadyang duguan pa rin ang dilaw na laso
di nagmamaliw ang duguang batik nito
kahit na sa bansa'y may bago nang pangulo
may magagawa nga kaya ang isang ito

talagang duguan pa rin ang lasong dilaw
sa dibdib tila naroon pa ang balaraw
nakatarak pa nang di tayo makagalaw
gayong mga obrero sa hustisya'y uhaw

ang lasong dilaw hanggang ngayon ay duguan
at wala pang nananagot sa kahibangan
ng mga pumaslang ng aping mamamayan
ang dulot ng lasong dilaw ay kamatayan

hustisya, hustisya sa mga manggagawa
sa Asyenda Luisitang dulot ay luha
hanggang ngayon marami pa ring manggagawa
ang doon ay nananangis, kinakawawa

Bagong Gobyerno'y Walang Pondo


BAGONG GOBYERNO'Y WALANG PONDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

walang pera, anang susunod na pangulo
sa kabangyaman ng papalitang gobyerno
napakalaki ng kakulangan sa pondo
tanong namin: ninakaw ba ang mga ito?

mamanahin niyang gobyerno'y walang pera
kinurakot na kaya ng trapong maldita
pera ng bayan ang ginastos sa kampanya?
ito'y karaniwang tanong ng dukhang masa

nakaraang administrasyon ay nag-iwan
ng malaking kakulangan sa kabangyaman
kakulangang ito'y paano ngayon pupunan
maliban sa pangakong buwis tatapalan

kung nasingil lang daw ng tama ng gobyerno
at hindi naibubulsa ang mga pondo
tiyak, budget deficit ay hindi lolobo
ito ang pahayag ni Pangulong Aquino

tulad ng ipinangako noong kampanya
ilan sa tampok sa kanyang mga programa
ay paglaban sa katiwalian ang una
at nang agad matulungang lubos ang masa

"kung walang corrupt, aba'y walang maghihirap"
ayon kay Noynoy na tumalo na kay Erap
bilang pangulo, kaya siya'y nagsisikap
na ang katiwalian ay mawalang ganap