Linggo, Abril 18, 2021

Nang mauso ang pantry

NANG MAUSO ANG PANTRY

nauso ang mga pantry habang may kwarantina
ito'y anyo ng pagbibigayan ng isa't isa
kapwa'y nag-aambagan kahit di magkakilala
sa isang pwesto'y magbigay ng anuman sa masa

halimbawa'y gulay, delata o kaya'y kakanin
upang kapwa'y di magutom ang tanging adhikain
mag-ambag ka upang ibang pamilya'y makakain
o kumuha ka upang pamilya mo'y di gutumin

lalo na sa panahon ngayong kulang ang ayuda
o madalas pa'y wala, magugutom ang pamilya
lumitaw ang kaugaliang pakikipagkapwa
kung anumang meron sila'y inaambag sa masa

mga patunay itong laganap ang kagutuman
lalo't dalawang linggong lockdown ang pinagdaanan
mga patunay din itong palpak ang pamunuan
sa pagbibigay ng tulong sa kanyang mamamayan

ang pantri'y may nakakawangking kwento noong una
napadaan ang manlalakbay sa isang sabana
kung saan mga punongkahoy ay hitik sa bunga
kumuha lamang siya ng sapat para sa kanya

nang siya'y tinanong ay kayganda ng kanyang tugon
habang halatang pagod sa paglalakbay maghapon
anya, upang iba'y makakain din, magkaroon
para sa manlalakbay na magagawi din doon

ngunit kung siya'y isang kapitalista o sakim
baka walang matira, wala nang makakatikim
dahil lahat ng bunga, mabulok man, ay dadalhin
ibebenta sa kung sino't pagtutubuan man din

sa ngayon, pantri'y inisyatiba ng mamamayan
akto dahil sa pagkukulang ng pamahalaan
prinsipyo'y magbigay ayon sa iyong kakayahan
kumuha lang batay sa iyong pangangailangan

ang prinsipyo nila'y tunay na pagpapakatao
maraming salamat sa pagbabayanihang ito
pagbibigayan mula sa puso para sa tao
sa kanila'y nagpupugay ako ng taas-noo

- gregoriovbituinjr.

Pagbabasa ng mga di karaniwan

PAGBABASA NG MGA DI KARANIWAN

minsan, dapat magbasa ng mga di karaniwan
sulating di pinag-aaralan sa paaralan
upang munting kaalaman ay sadyang madagdagan
lalo't kapitalismo'y namamayani sa bayan

anong klaseng lipunan ang namamayani ngayon
bakit may alipin, wala bang karapatan noon
bakit may pinagsasamantalahan hanggang ngayon
bakit may mayaman at dukha ay isyu na noon

dahil itim ang kulay ay bakit inalipin na
bakit nakatali na sa lupa ang magsasaka
paano nga ba nambusabos ang kapitalista
bakit uring obrero ang babago sa sistema

anong kasaysayan ng pagkaroon ng estado
o bansa o lahi o teritoryo o gobyerno
bakit nahukay ay buto ng sinaunang tao
pag-aralan ang lipunan, kasaysayan ng mundo

dapat ding aralin ang sinaunang kasaysayan
at bakasakaling magamit sa kasalukuan
upang mawala ang pagsasamantala't kaapihan
o kaya'y maitayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

Pulang itlog at kamatis

PULANG ITLOG AT KAMATIS

pulang itlog at kamatis, ulam sa tanghalian
sinabay na ang almusal, ito rin ang hapunan
di magarbo, sa tahanan lang, wala sa pistahan
mahalaga'y di magutom, lamang tiyan din iyan

tawag pa sa pulang itlog ay itlog na maalat
binalatan ko ang itlog, kamatis ay ginayat
tinamad kasing magluto ng ulam, napulikat
dahil gutom na'y ito agad ang aking nasipat

wala nang luto-luto, basta ito'y pinaghalo
kaysa magutom, tugon na sa tiyang kumukulo
maraming salamat at nawala ang pagkahapo
nabusog din at binalita sa sinta't kasuyo

kumain kung mayroon nang di tayo magkasakit
maggatas din at katawan ay palakasing pilit
pampalakas man ang pulang itlog, huwag malimit
paminsan-minsan lang, baka maumay kung mapilit

- gregoriovbituinjr.

Ayusin ang sistemang pangkalusugan

AYUSIN ANG SISTEMANG PANGKALUSUGAN

libu-libo na'y tinamaan ng coronavirus
ano nang tugon sa kalagayang kalunos-lunos
wala nang pwesto sa ospital, mga kama'y kapos
sa ganyang sistema, bayan pa ba'y makakaraos

anong tugon ng pamahalaan sa panawagang
dapat nang ayusin ang sistema ng kalusugan
na di sisisihin ang pasaway na mamamayan
na di karibal sa pulitika ang tututukan

kundi pag-isipang mabuti anong dapat gawin
kundi pag-usapang mabuti't pagkaisahan din
sistemang pagkalusuga'y paano paunlarin
kongkretong kalagayan ng bansa'y pakasuriin

"kalusugan ay serbisyo, huwag gawing negosyo"
ito'y sigaw ng maraming mamamayan sa mundo
ito'y dapat maging paninindigan ng gobyerno
upang di masalaula nitong kapitalismo

tiyakin ding walang tanggalan sa mga pabrika
kahit may pandemya't sunud-sunod na kwarantina
itigil na gawing kontraktwal ng kapitalista
ang manggagawang regular sa kanilang kumpanya

pagbabakuna lang ba ang nakikitang solusyon?
face shield, face mask at alkohol lang ba dapat mayroon?
paglutas sa problema'y tunay na malaking hamon
sa buong mundong COVID-19 na ang lumalamon

ang mga sangguniang kabataang inihalal
ay patulungin, sanayin sa gawaing medikal
bakuna'y dalhin sa pabrika, di lang sa ospital
upang obrero'y mabakunahan din, di magtagal

sa pagsusuri'y anong aral yaong mapupulot
upang mga kapalpakan ng sistema'y malagot
sa maramihang pagkamatay, sinong mananagot
ang COVID-19 ba o ang namumunong baluktot

- gregoriovbituinjr.

Pagkatha hanggang sa huli

tula ng tula bago mapatay ng COVID-19
katha ng katha bago kamatayan ay sapitin
akda ng akda kahit coronavirus ay kamtin
sulat ng sulat pa rin kahit pa maging sakitin

tila naghahabol dahil mamamatay na bukas
tumitindi ang pagdaluyong ng sakit na hudas
isinasatinig pati pag-ibig niyang wagas
isulat ang tula bago pa mawalan ng oras

tumula ng tumula't baka bukas na mamatay
habang alaga pa rin ang katawang nananamlay
sabihin na sa tula ang bawat pala-palagay
sa nangyayari sa lipunang kanyang naninilay

inihahanda na ang sarili kahit di handa
kayraming pinaslang ng COVID, nakakatulala
kaya prinsipyong tangan ay dinadaan sa tula
upang maitayo ang lipunan ng manggagawa

hanggang sa huli, matematika't pagtula'y misyon
magsalin, magsaliksik, iba't ibang isyu'y hamon
kung mamatay man sa COVID, di hihinto sa layon
na kahit sa lapida'y may tulang naukit doon

- gregoriovbituinjr.

Katibok sa pakay

KATIBOK SA PAKAY

narito ang liyag kong sadyang katibok sa pakay
na dalawang puso'y magkatiyap at magkaugnay
at nagkakaisang diwa sa adhika't palagay
tulad ng kalikasang dapat alagaang tunay

magkasama sa araling paggawa ng ekobrik
na kahit nangangalay ay naggugupit ng plastik
pag-ambag sa kalikasan ay walang tumpik-tumpik
idagdag pa ang proyektong paggawa ng yosibrik

ayaw din sa paglabag sa pantaong karapatan
at di ipipikit ang mata sa katiwalian
kahit patula, isasatinig ang katarungan
asam na lipunang makatao'y pinaglalaban

iba't ibang gulay ay sinimulan ding itanim
kahit ang pagiging vegetarian ay niyakap din
pagtulong sa magsasaka'y kanilang adhikain
pagtulong sa obrero't dukha'y kanilang layunin

pag sinasambit-sambit ng diwata ang pag-ibig
dali-dali ang makatang kukulungin sa bisig
ang kanyang katibok sa pangarap, layon, at tindig
tila ulan ang pagsintang kanilang dinidilig

- gregoriovbituinjr.