Biyernes, Pebrero 20, 2026

Salamat sa mga sumuporta sa booklet launching

SALAMAT SA MGA SUMUPORTA SA BOOKLET LAUNCHING

salamat sa mga sumuporta sa booklet launching
mabuhay kayo, mga kasama't katoto man din
mga lider-manggagawa't maralita'y dumating
nang aklat sa hustisyang panlipunan ay basahin

pagpupugay sa inyong walang sawang pagsuporta
sa tulad kong makata't sa panawagang hustisya
sa aking lunsad-aklat, kayo'y nariyan talaga
nang dahil sa inyo kaya naglilingkod sa masa

paumanhin sa handang miryendang agad naubos
ang sampung biskwit at sampung mineral ay kinapos
buong kwarto'y siksikan, talumpati ninyo'y tagos
sa aking puso, kaya pasasalamat ko'y lubos

sa inyong sumuporta sa lunsad-aklat, mabuhay!
talagang sa inyo'y taaskamaong nagpupugay!
muli, ako'y nagpapasalamat sa inyong tunay
lalo't sa masang api, bawat kathang tula'y tulay

- gregoriovbituinjr.
02.20.2026 (World Day of Social Justice)

Sa ikawalong Black Friday Protest ng 2026

SA IKAWALONG BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

patuloy pa ako sa paggampan ng nakaatang
na tungkulin pag sasapit ang araw ng Biyernes
kaya sa ikawalong Black Friday Protest ng taon
ay kumilos pa rin ako't hindi nakatitiis

matapos ang paglulunsad ng libreto ng tulâ
ay tangan ko na ang plakard na aking inihandâ
ang nakasulat ay "Ikulong lahat ng kurakot!"
at nag-selfie sa estatwa ni Ka Pepe Diokno

lalo't araw pa naman ng World Day of Social Justice
na siyang tema ng libretong binigyan kong hugis
ng aking mga tinipong makabagbag-damdaming
tulang talaga namang pinagtuunan ng pansin

"Ikulong na 'yang mga kurakot!" ang aming sigaw
dapat kaparusahan sa kurakot ay ipataw
hinihiyaw ay napakalinaw na gawin dapat
at iluklok ng madlâ ang tapat at nararapat

- gregoriovbituinjr.
02.20.2026 (World Day of Social Justice)

Sampung biskwit, sampung tubig sa booklet launching

10 BISKWIT, 10 TUBIG SA BOOKLET LAUNCHING

dapat lang paghandaan, baka may dumating
sa mga inimbitahan sa booklet launching
tigsampung tubig at mineral water lamang
ang inihandâ, na aming pagsasaluhan

di na bumili ng isang bilaong pansit
na pag di naubos ay tiyak mapapanis
handâ para sa darating na sampung tao
pa'no kung gaya ng dati? dumating tatlo

mabigat buhatin, higit pitong kilo na
kasama ang limampung bagong libreto pa
pati lumang kopya ng mga unang aklat
ay dinala na rin kaya gayon kabigat

iyan ang simpleng handâ ng abang makatâ
para sa kampanyang hustisya't mga tulâ
ito'y alang-alang sa ikatatagumpay
ng lunsad-aklat, lahat ay gagawing tunay

- gregoriovbituinjr.
02.20.2026 (World Day of Social Justice)

Booklet launching ng abang makatâ

BOOKLET LAUNCHING NG ABANG MAKATÂ

di naman ako sikat na makatâ
upang puntahan ng obrero't dukhâ
o kaya'y ng nakararaming madlâ
na inuuna muna'y ang sikmurà

ngayon ay isa muling booklet launching
ng bagong libreto ng tulâ pa rin
sana, ang isang ito'y di langawin
kundi puntahan at ito'y dalawin

pinakikita lang ang katapatan
sa pagbaka para sa karapatan
at sa isyung hustisyang panlipunan
at katapatan din sa panitikan

nitong Disyembre sa booklet launching ko
ang dumating at sumuporta'y tatlo
sana lang sa launching ngayong Pebrero
may dumating kahit pito o walo

- gregoriovbituinjr.
02.20.2026 (World Day of Social Justice)