Sabado, Setyembre 26, 2026

Digong versus Makoy

DIGONG VERSUS MAKOY
‎
‎kapwa sila mga / strongman, pangulo
‎nais nilang bansâ / ay disiplinado
‎ngunit ang nangyari / ay dispalinghado
‎buhay ay tinangay, / desaparesido
‎
‎pinakamahinang / nilalang ang target
‎ng tokhang, pinaslang / ay pulos na adik,
‎walang pera, walang / ngalan, nilalait,
‎takot magreklamo, / madaling malupig
‎
‎ang tinarget naman / niyong diktadura
‎ay matatalinong / tao, aktibista
‎kabilang ang ngalang / Liza, Liliosa,
‎Edjop, Hermon Lagman, / Eman Lacaba pa
‎
‎kung ikukumpara, Digong versus Macoy‎
pinagnilayan ko / ang bawat panaghoy
‎ng mga nawala't / mga dahong luoy
nagmarka sa bayan / ang init ng apoy
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.26.2026‎

* litrato mula sa google

Trapo at basahan

TRAPO AT BASAHAN

bentador ng bayan ang trapo
ang turing sa dukha'y basahan
trapo'y nanloloko ng tao
ayuda ang nasa isipan

ano bang aasahan natin
sa dinastiyang pulitikal
kundi tayo'y muling utuin
upang kumita ang kapital

sa trapo ang sistemang bulok
habang asam nati'y hustisya
tingin nila, sila ang rurok
mapagsamantalang burgesya

sila'y ibon sa himpapawid
habang tayo'y isda sa dagat
di sila kauri'y batid
sa ganyan ay dapat mamulat

ibagsak na ang mga trapo
na turing sa masa'y basahan
dapat nang nagpapakatao
ang bawat isa sa lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.26.2026

* litratong kuha ng makatang gala