Lunes, Nobyembre 3, 2025

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?

MACHIAVELLIAN DAW BA ANG MGA KURAKOT?

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?
sa pulitika'y di dapat lalambot-lambot
leyon at soro ang liderato ng buktot
na dapat masa sa ulo'y kakamot-kamot

masang sunud-sunuran at di pumapalag
bigyan lang ng ayuda, sila na'y panatag
masa'y bubulong, di lantad kung magpahayag
mata'y pipikit kahit maraming paglabag

tulad ng mga tipikal na pulitiko
laging bilugin ang ulo ng mga tao
kahit gumawa ng krimen upang umano
sa mga ambisyong pampulitika nito

kaya nga nagnanakaw sa kaban ng bayan
iyang mga buwayang walang kabusugan
na sa galit ng masa'y walang pakialam
dahil sila'y may kamay na bakal daw naman

dapat ilantad ang gawi ng mga korap
dahil sa bansa, sila ang mga pahirap
mga trapo'y ibagsak ang dapat maganap
upang maitayo ang lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.
11.03.2025

* Ang taga-Florence na si Niccolo Machiavelli ang awtor ng The Discourses, at ng The Prince na political treatise hinggil sa pamumuno

Ikulong lahat ng mga kurakot

IKULONG LAHAT NG MGA KURAKOT

patuloy nating ibulong ang isyu
o kaya'y ipagsigawan na ito
upang maraming makaalam nito
upang sumama sa pagkilos dito

sadyang nakapanginginig mabatid
ang ginagawa nilang paglulubid
ng buhangin na animo'y makitid
ang kaisipan ng masang kapatid

ay, guniguni pala ang flood control
habang mga bulsa nila'y bumukol
katakawan nila'y sadyang masahol
pagkat buhay ng masa'y naparool

tumindi talaga ang kahirapan
pati na pagbabaha sa lansangan
masa'y dinala nila sa kangkungan
bansa'y tinangay nila sa putikan

ang mga tulog pa'y ating gisingin
ang mga gising na'y organisahin
isyung ito'y ipaliwanag man din
sa masang galit nang hustisya'y kamtin

ikulong lahat ng mga kurakot
na pati hustisya'y binabaluktot
ikulong na ang mga trapong buktot
ikulong lahat ng tuso't balakyot

- gregoriovbituinjr.
11.03.2025