Lunes, Nobyembre 9, 2015

Karangalang makasama sa Climate Pilgrimage

KARANGALANG MAKASAMA SA CLIMATE PILGRIMAGE

Nang ako’y mapili, aba’y isa nang karangalan
Ang pagkapiling ito’y di ko dapat pabayaan
Pagkat pagkakataong ganito’y bihira lamang
Tulad ng agilang bihira na sa kalawakan.

Taos-pusong pasasalamat sa mga tumulong
At sa misyong ito’y nabigyan ng pagkakataon
Upang panawagang “Climate Justice” ay maisulong
Kinatawan ng bansa, at sa Paris paparoon

Sa bawat kasama sa Climate Pilgrimage na ito
Ang bawat hinahakbang natin ay para sa mundo
Sa mga di nakasama, kaisa namin kayo
Sa diwa’t niloloob ay nagkakaisa tayo

Kaya sa inyo, mabuhay kayo, mga kapatid
Pagbabago ng mundo’t sistema ang ating hatid
Pagkat habang bulok na sistema itong balakid
Ah, kayrami pang buhay ang tiyak  na mapapatid

Layunin nitong Climate Pilgrimage patungong Paris
Sa mga lider ng mga bansa’y maisaboses
Init ng mundo’y huwag madagdagan ng two degrees
Bulnerableng bansa’y sagipin sa pagmamalabis

Dapat magkaisa sa paghahanap ng solusyon
Bago pa ang mundo’y maging isang tila kabaong
Sa panawagan ng mamamayan ng mundo ngayon
Ay dapat nang makinig ang mga lider ng nasyon

- gregbituinjr
9 Nobyembre 2015, sa tanggapan ng Espace Protestant Theodore Monod, sa Lyon, France

Pagdatal sa bunganga ng Lyon

PAGDATAL SA BUNGANGA NG LYON

Biglaan, di ko inaasahang makararating
Sa bunganga ng Lyon na tila sumisingasing
Habang mga tao’y sinalubong akong kaylambing
Tila ako’y bumangon sa kayhabang pagkahimbing

Narito na po sa Lyon ang inyong anak, Inay
Handa po sa layuning nasa balikat na tunay
Habang nasa eroplano pa’y aking naninilay
Ang sakripisyo’t pag-asang dapat ipagtagumpay

Sa mga taga-Lyon, Pilipino man o Pranses
Maraming salamat sa pagtanggap nyong anong tamis
Para sa dakilang layunin ay handang magtiis
Sa aming dibdib, pagmamahal nyo’y di maaalis

Nag-aalab ang damdaming maglalakad ng Lyon
Patungong Paris habang tangan yaong nilalayon
Nawa’y magkaisa na ang mamamayan at nasyon
Upang suliranin sa klima’y mabigyang solusyon

-gregbituinjr
9 Nobyembre 2015, sa bahay ng pamilya Curvers malapit sa Parc Chamvolet sa Lyon, France

Pagninilay sa Lyon

PAGNINILAY SA LYON

Napapatitig sa anong gandang panahon
Siyang tunay, nandito na ako sa Lyon
Aba’y di na ito panaginip sa hapon
Kinurot ko ang kutis, narito nga ngayon
Handang tahakin ang nag-aalab na layon.

Sa buong mundo’y isisigaw: “Climate Justice!”
Ang mga bansa’y di dapat Climate Just-Tiis!
Dapat nang pigilan yaong nagmamalabis
Sa emisyon na sa marami’y tumitiris
Tayo’y kumilos para sa mundong malinis.

Hanging malinis, di polusyon ang malanghap
Dagat na malinis, di tapunan ng iskrap
Lupaing malinis,  di miniminang ganap
Pusong malinis, di pulos tubo ang hanap
At bawat isa’y sama-samang lumilingap.

- gregbituinjr
madaling araw ng Nobyembre 9, 2015
kinatha sa bahay ng pamilya Morlac, Lyon, France