Miyerkules, Agosto 25, 2021

Ang kalabasa

ANG KALABASA

iyang kalabasa raw ay pampalinaw ng mata
bakasakaling nanlalabong mata'y makakita
pampalinaw din kaya ng budhi ang kalabasa
lilinaw din kaya ang paghahanap sa hustisya

kalabasa, anang iba, sa mata'y pampatalas
upang makita ang mga pandaraya't padulas
ng mga trapong ang ugali'y kapara ng hudas
dinaan na sa lakas, dinadaan pa sa dahas

aba'y pag ginulay ang kalabasa'y anong sarap
bakit ba ito'y naging simbolo ng mapagpanggap
kalabasa'y dala sa pagkilos ng mahihirap
sa rali't sagisag na pinuno'y sero, kaysaklap

bakaw sa kapangyarihan kaya sero, butata
kayrami pang napaslang sa hanay ng maralita
walang due process of law, rule of law ay balewala
gayong dapat may konsensyang naglilingkod sa madla

ay, kalabasa, ikaw nga ba ang tamang simbolo
ng mga trapong sero sa karapatang pantao
kalabasang lunti, dilawang kalabasa'y ano
kalabasa'y pampalinaw ng mata ang totoo

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Ulam ko'y kamatis

ULAM KO'Y KAMATIS

ulam ko ngayon ay kamatis
na pampaganda raw ng kutis
kaya pala mukha'y makinis
walang tagyawat na matiris

sa tulong pala ng kamatis
ay napaibig ko si misis
mga tula ko'y walang mintis
kaya panay siya bungisngis

salamat sa iyo, kamatis
ang mukha ko'y naging malinis
lumakas pa ako't bumilis
sa hirap man ay nagtitiis

kumikilos tungo sa nais
na lipunang walang kaparis
lipunang walang bahid dungis
lipunang papawi sa burgis

bagamat bulok na kamatis
sa mukha ng trapo'y ihagis
tuloy sa pakikipagtagis
kahit na ulam ko'y kamatis

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021

Pagiging patas

PAGIGING PATAS

nakikiisa ako sa bawat pakikibaka
ng mga maliliit, manggagawa't magsasaka
upang kanilang kamtin ang panlipunang hustisya
patungo sa lipunang walang pagsasamantala

pinapangarap ko'y isang lipunang makatao
kaya ko niyakap ang mapagpalayang prinsipyo
sinusuri't ipinaglalaban ang bawat isyu
upang tiyaking patas ang kahihinatnan nito

parehas at makatarungan ang nasang magawa
pangarap na maitayo'y lipunang manggagawa
kung saan pakikipagkapwa ang nasa't adhika
walang pang-aapi't pagsasamantala sa dukha

pagkat aktibista akong nangangarap ng patas
na lipunang walang kaapihan at pandarahas
kaya sa gatla ng noo ko'y iyong mababakas
ang pilat sa mga danas ng digmang di parehas

kawalang hustisya ba'y dapat hugasan ng dugo
upang pang-aapi't pagsasamantala'y maglaho
o sa anumang laban ay patas ding makitungo
kahit kaharapin pa'y burgesyang tuso't hunyango

- gregoriovbituinjr.
08.25.2021