Sabado, Mayo 28, 2016

Ilantad si Sombath Samphone

ILANTAD SI SOMBATH SAMPHONE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

awardee siya ng Gawad Ramon Magsaysay
ngunit sa kanyang pamilya siya'y nawalay
nang dinukot ng animo'y bakal na kamay
ebidensyang CCTV'y magpapatibay
dapat ilantad si Sombath na sana'y buhay
at kung hindi man, nahan na ang kanyang bangkay

sa bansang Laos, siya kaya'y nakakulong
o patay na't tayo'y baon na sa linggatong
sinong saksing maaaring makapagsuplong
lalo't karapatan na ang dinadaluyong
desaparesido siyang naglaho ngayon
ating isigaw: ilantad si Sombath Samphone!

Palayain si Zunar, dibuhistang pulitikal

PALAYAIN SI ZUNAR, DIBUHISTANG PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kritiko siyang ang paraan ay pagdidibuho
dibuhistang pulitikal na may siyam na kaso
sa ilalim ng batas ng sedisyon ng gobyerno
batas na di na angkop sa karapatang pantao

batas na yao'y pinaglumaan na ng panahon
luma pagkat karapatang pantao'y nilalamon
animo'y nilalantakan ng sangkaterbang dragon
di na niluluwa't tila sa sarap nilululon

nagdibuho man siya sa pahinang editoryal
ng mga puna sa pamamalakad pulitikal
di ba't magpahayag ay karapatan nating banal
kaya bakit ikukulong na animo'y pusakal

palayain si Zunar doon sa bansang Malaysia
at ibang bilanggong pulitikal, palayain na

* ayon sa Amnesty International, si Zulkiflee Anwar "Zunar" Ulhaque, isang political cartoonist sa Malaysia, ay nakapiit ngayon dahil sa siyam na kasong batay sa 1948 Sedition Act

Kamay na bakal

KAMAY NA BAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaking problema kung mismong nasa pamunuan
ay di nauunawa ang pantaong karapatan
apaty dito, patay doon, bugso ng kamatayan
para naman daw maging payapa ang taumbayan

tama bang namumuno sa pambibistay masanay
para raw sa kapayapaan, uutas ng buhay
di na daraan sa proseso, may dugo ang kamay
ganito bang paraan ang wasto, kita'y magnilay

kung iiral ay ganyan, saan na tayo patungo
mananahimik na lang ba't di na tayo kikibo
di ba't di wasto kung tao'y basta pinapaglaho
di ba't di kapayapaan kung ligalig ang puso

kung basta na lang mamamaslang ang kamay na bakal
siya'y pusakal ding higit pa sa laksang pusakal