AH, WALA NAMAN TALAGANG TULA, KUNG TULA LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi larawan ng mga aktibista sa daan
kundi dahil may dukhang lumalaboy sa lansangan
kundi may magsasakang naroon sa kabukiran
kundi may manggagawang kaysipag sa pagawaan
kundi may dapat ipagbaka ang kababaihan
kundi may kinabukasang dapat nang paghandaan
kundi may mga karapatang dapat ipaglaban
ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi larawan ng pang-aapi sa ating bayan
kundi ang mahihina'y pinagsasamantalahan
kundi sa tuwina'y nangingibabaw ang puhunan
kundi pulos katiwalian sa pamahalaan
kundi dahil sa mga naganap na karahasan
kundi dahil sa hinahanap nating katarungan
kundi dahil sa hinahangad na kapayapaan
ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi may gabi't araw tuwina'y nagsasalitan
kundi may tirintas ng bituin sa kalangitan
kundi may bantang pagputok ng tahimik na bulkan
kundi may pag-ibig sa sintang pinag-aalayan
kundi sa alagang asong panay yaong kahulan
kundi may bangkitong pakikintabin, babarnisan
kundi may pumukaw na balita sa pahayagan
may tula pagkat kinatha mula sa kalagayan
batay sa mga nakikita sa kapaligiran
batay sa mga nadarama sa kaibuturan
batay sa naririnig, nahihipo, natitikman
batay sa mga delubyo't unos ng kalikasan
batay sa galaw nitong mga tao sa lipunan
batay sa mga uring laging nagtutunggalian
batay sa mga ideyang madalas magpingkian
may nais ibulong ang makata kaya may tula
yumanig ang bundok, lumindol, umuga ang lupa
nagsipag-aklasan ang laksa-laksang manggagawa
may umiibig ng lubos sa tinubuang lupa
mayroong bagong sistema yaong inaadhika
maraming dahilan upang kumatha ng kumatha
at pagandahin pang lalo ang minimithing akda
mga tula'y nakatha dahil may mga makata