Miyerkules, Oktubre 22, 2014

Personal at pulitikal ang isyu ng climate change

PERSONAL AT PULITIKAL ANG ISYU NG CLIMATE CHANGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

climate justice ay di lang krusadang personal
higit sa lahat, ito'y isyung pulitikal
kailangang may gawin ang mga nahalal
kailangang kumilos ang ating hinalal

personal dahil nais nating makatulong
kung paano malutas ang kayraming tanong
hinggil sa epekto ng unos at daluyong
na idinulot na problema'y patung-patong

ngunit pag hiwa-hiwalay tayo'y paano
climate change ay isang pulitikal na isyu
mag-usap na ang mga pinuno ng mundo
magkaisa sa solusyong para sa tao

dapat ang mga pinuno'y ating hamunin
kabutihan ng masa'y kanilang tungkulin
sanhi ng climate change, paano lulutasin
dulot ng climate change, paano pipigilin

ito'y di malulutas ng isa-isa lang
mayorya ng bayan ay dapat magtulungan
milyun-milyon kung di man bilyong mamamayan
ay magsama-sama para sa katarungan

at baka huli na ang lahat, lumalala
ating mundo'y unti-unti nang nasisira
kalutasan nito'y tayo rin ang gagawa
halina't kumilos upang tao'y may mapala

- sa Climate Change Academy, Bicol University, Lungsod ng Legaspi, sa lalawigan ng Albay, dito na kami nagpalipas ng magdamag, Oktubre 22, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Kariktan ng Mayon

KARIKTAN NG MAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kitang-kita ang kariktan ng bulkang Mayon
na tila sa puso't diwa ko'y nanghahamon
habang tinatahak ang landas ng kahapon
upang sumamang magbuo ng bagong ngayon
marapat lang tayong magkaisa't bumangon

- habang nilalakbay ang Albay patungong Legaspi City, Oktubre 22, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Ang Climate Song ni Nityalila

ANG CLIMATE SONG NI NITYALILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Alpha Walker Nityalila ang kumatha
ng Climate Song na sadyang nagbibigay-sigla
pinamagatang “Tayo Tayo” ay nilikha
para sa Climate Walk, isang kantang pangmadla

awit niyang itinuro sa naglalakad
sa mga programa’y aming ibinubungad
mensahe’y para sa hustisyang hinahangad
climate justice para sa bayang sawimpalad

inawit na namin mula pa sa Luneta
“tanaw na pag-asa’t hustisya’y hintay ka na”
taos na inaawit ng mga kasama
taimtim na inaawit para sa masa

habang inaawit, madarama mo’y galak
at sasabayan pa nila ito ng indak
masaya man, nasa isip ang napahamak
sa bagyong Yolandang sadyang nagbigay-sindak

maraming salamat, Nityalila, sa awit
mensahe nito, nawa’y abot hanggang langit
upang Yolanda, saanma’y di na maulit
nawa mensahe ng kanta’y laging mabitbit

- Travesia Elementary School, Travesia, Guinobatan, Albay, Oktubre 22, 2014, kaarawan ni Nityalila

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Adbokasya

ADBOKASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

paano kaya nila natatalos 
ang pagkiwal ng madulas na palos
bakit ba ang sugat ay nagnanaknak
bakit dukha'y gumagapang sa lusak
bakit sa dagat ay naglulutangan 
ang mga basurang pinabayaan
kailangan pa ba ng isang pantas 
upang payak na problema'y malutas
climate justice ba'y dapat kamting ganap
para sa lipunang pinapangarap
may mga tanong na dapat sagutin 
may mga adbokasyang dapat tupdin

- Daraga, Albay, Oktubre 22, 2014