sanay na akong kalahati ang inuupuan
lalo doon sa pampasaherong dyip na siyaman
dapat paupuin ang matanda lalo't siksikan
pati na bata't magandang dalaga sa sasakyan
sa kalahati mang pag-upo sa dyip na'y nasanay
kahit minsang sa tagal ng pag-upo'y nangangalay
iyon ay dahil sa wasto lang maging mapagbigay
at ito'y maituturing ding bayanihang tunay
nakikipagsiksikan kahit kalahating upo
upang sa bahay ipahinga ang katawang hapo
ilan nama'y sasabit, sa estribo'y nakatungo
sumisiksik makarating lang kung saan patungo
minsan kailangan ding makipagsiksikan sa dyip
upang makauwi na't habulin ang panaginip
at bakasakaling doon kanyang sinta'y masagip
mula sa sasakyang muntik-muntikang makahagip
- gregbituinjr.