Huwebes, Agosto 28, 2025

P30 na aklat, P30 pantraysikel

P30 NA AKLAT, P30 PANTRAYSIKEL

minsan, minumura ko ang ulan
dahil biglang napapa-tricycle
imbes na ako'y maglakad na lang
ng limang kanto, magta-tricycle

aklat ng salin ko'y trenta pesos
sa traysikel ay trenta pesos din
kapag ulan na'y biglang bumuhos
benta'y di maibiling pagkain

ipapamasahe lang ang benta
bakit ba flood control kinurakot
baha tuloy ang masa't kalsada
habang sa libro, kita'y karampot

kailan ba palaging aaraw
nang makatipid sa pamasahe
kailan di na magtutungayaw
upang natipid ay maitabi

- gregoriovbituinjr.
08.28.2025

Ang mag-aral muli

ANG MAG-ARAL MULI

di pa ako matanda, pwede pang makapag-aral
at makatapos ng kursong nanaising makuha
tulad ng inhinyero, cooking, o agham pisikal
o kaya'y magturo ng aritmetika't aldyebra

nais kong may natapos, may diplomang isasabit
sa dingding ng tahanan, magkatrabaho nang sadyâ
habang patuloy na nagmumulat sa maliliit,
babae, bata, pesante, vendor, obrero, dukhâ

kayhirap makapasok kahit sa N.G.O.'t P.O.
pag walang pinakitang diploma, walang natapos
lalo't kaytagal na aktibistang pultaym tulad ko
na higit tatlong dekadang naglulupa't kumilos

sinong tatanggap sa aking walang wala talaga
na namayapang misis ang sumusuporta noon
dapat pa akong mabuhay ngayong wala na siya
kaya nais kong magtapos pag may pagkakataon

- gregoriovbituinjr.
08.28.2025

NGO - non-government organization 
PO - people's organization