Biyernes, Hunyo 13, 2025

Pag-uwi

PAG-UWI

this week na nakatakda siyang umuwi
hinihintay na lang ang isked ng discharge
siya pala'y iuuwi, di uuwi
pagkat wala nang buhay ang minamahal

ang nagagawa ko na lang ay humikbi
habang hanap ay pambayad sa ospital
kumikilos na lang nang di ko mawari
malayo'y tinatanaw, natitigagal

sangsugal ang buhay, di basta magwagi
tulad ng paligsahan ng mahuhusay
bawat pagtaya'y pagbabakasakali
paglukso ng alamang, malamang patay

planong siya'y iuwi sa lalawigan
katabi ng kapatid, ama, at ina
iuuwi siya sa huling hantungan
upang doon dalawin ng gabi't umaga

- gregoriovbituinjr.
06.13.2025 (Biyernes Trese)

Panimdim

PANIMDIM

kaysakit sa dibdib, di siya maiburol
pagkat di pa buo ang bayad sa ospital
sa ganito nilang sistema, ako'y tutol
dalawang araw sa morgue, ganyan katagal 

sana ospital aming mapakiusapan
kamag-anak, kaibigan na'y nagpaikot
upang makaambag sa pagkakagastusan
habang nahaharap sa panibagong gusot

ang mga nangyayari'y talagang kaysaklap
ay, maninikluhod na ako sa kanila!
promissory note ay ginawa naming ganap
dalawampu't anim na doktor mapapirma

tila nakabitin pa rin kami sa ere
sana may paraang agad magawa kami

- gregoriovbituinjr.
06.13.2025 ng madaling araw