Inspirasyon ko sa tulang ito ang "We are the world" na sinulat nina Michael Jackson at Lionel Richie. Ngunit habang isinusulat ko ito, ay kinakanta ko ito sa himig ng "I'll be there" ni Michael Jackson nuong bata pa siya. Kaya pwede ko itong tawaging tulawit (tula at awit).
KAPAYAPAAN SA MUNDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
I
Kapayapaan sa buong mundo
Ang hinihiling namin sa inyo
Iba-iba man ang kulay natin
Kapayapaang hiling ay dinggin
Payapang mundo'y ating regalo
Ito'y para sa lahat ng tao:
Tigilan na ang mga digmaan
Pati na ang mga pamamaslang
Tigilan na ang mga salpukan
At problema'y ating pag-usapan
Ayusin natin ang mga gulo
Lutasin natin ang puno't dulo
Ngunit dapat mahinahon tayo
Upang kapayapaa'y matamo
II
Maraming gutom dahil maraming ganid
Di nagbibigayan ang magkakapatid
Ang maraming problema't mga hilahil
Ay nais lutasin sa dulo ng baril
Ang iba'y nag-aari ng laksa-laksa
Ngunit barat sa sahod ng manggagawa
Ang iba nama'y maraming lupang angkin
Ekta-ektarya kasama pati bangin
Dahil sa angking pribadong pag-aari
Marami ang nawalan sa tao't lahi
Gayong maliit lang itong kailangan
Upang mapakain ang buong lipunan
III.
Lumaganap na itong kahirapan
At kagutuman sa maraming bayan
Nagpapatayan kahit sila-sila
Upang maibsan lang yaong problema
Habang ang ilan ay nagpapakabundat
Kahit maraming tao'y nagsasalat
Nagpapayabangan naman ang iba
Ng armas-nukleyar, mga panggera
Pera'y kung saan-saan ginagastos
Imbes sa pagkain, gamot, pantustos
Ang ginhawa ba'y para lang sa ilan
Di ba't ito'y dapat pangkalahatan
Matatamo lang ang kapayapaan
Kung mayroong hustisyang panlipunan
IV
Kayganda ng daigdig na payapa
Walang kaguluhan sa bawat bansa
Walang gutom ang tao, kahit bata,
Pagkat pag-ibig nasa puso't diwa
Kaya simulan nating iadhika
Ang pagsusulong ng mundong payapa
Upang maraming problema'y maibsan
At magkaroon ng kapayapaan
Ipalaganap natin ang pag-ibig
Sa bawat puso'y ito ang idilig
At sa hustisya tayo ay sumandig
Upang maging payapa ang daigdig