Miyerkules, Mayo 29, 2024

Dalawang sagot sa palaisipan

DALAWANG SAGOT SA PALAISIPAN

tanong sa Pahalang ay Nota sa musika
tanong sa Pababa: Pangalan ng babae
ang sagot sa Pababa ay MINA o TINA
ang sagot naman sa Pahalang ay MI TI

parehong tama kahit ano ang isagot
baligtarin man ang Pahalang at Pababa
parehong tama kaya di ka manlalambot
sa ganyang kaiga-igayang larong diwa

ang ganito'y ngayon ko lamang naengkwentro
alinman sa dalawa ang iyong itugon
ay tumpak, makuha man ang sagot sa dyaryo
bukas ay walang alinlangang tama iyon

salamat sa anong sayang palaisipan
at diwa animo'y kinikiliti lamang

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

* 21 Pahalang at 21 Pababa
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 29, 2024, pahina 14

Paghahanda sa hapunan

PAGHAHANDA SA HAPUNAN

kahit mag-isa man sa tahanan
ay naghahanda rin ng hapunan
ganyan ang aktibistang Spartan
nasa isip lagi'y kalusugan

binili'y dalawang kilong bigas
kamatis at lata ng sadinas
sampung okra't dahon ng sibuyas
gulay na dapat lang pinipitas

nais ko sa hapunan may gulay
na maganda habang nagninilay
dapat loob ay napapalagay
upang makapag-isip na tunay

ulam upang diwa'y di maglaho
tarang kumain pag nakaluto

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

Pagsisikap sa pagkatha ng kwento

PAGSISIKAP SA PAGKATHA NG KWENTO

dapat pagbutihin ang pagkatha ng kwento
upang mabasa ng masang dukha't obrero
lalo't malalathala ito sa diyaryo
publikasyon ng mahihirap na totoo
na daluyan ng pahayag hinggil sa isyu
kaya binabasa pati mga polyeto

nagsikap na mag-ipon upang makabili
ng mga aklat ng kwento nina Tagore,
Irving, Austen, Jack London, F. Sionil Jose,
Lovecraft, Mark Twain, upang sanayin ang sarili
sa pagkatha ng kwentong sa masa'y may silbi
na balang araw ay maipagmamalaki

salamat at may Taliba ng Maralita
na natatanging diyaryong naglalathala
ng aking kwento't tula, na kung ito'y wala
walang lalagakan ng aking mga akda

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

Taliba ng Maralita - opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Isdang espada pala'y tagan

ISDANG ESPADA PALA'Y TAGAN

tanong pahalang ay ISDANG ESPADA
di ko alam iyon, ah, limang letra
kaya pababa'y sinagutan muna
iyon, isdang espada'y TAGAN pala

tiningnan ko sa isang diksyunaryo
kung ano nga bang kahulugan nito
isda, nguso'y parang lagari, sakto
ito na nga ang sagot sa tanong ko

isdang espada, ang nguso'y lagari
na sa kanyang kalaban ay panghati
o depensa laban sa katunggali
pag natusok nito'y baka masawi

walang duda, isdang espada'y TAGAN
bagong dagdag sa ating kaalaman
magagamit sa tula, kwentong bayan,
dula at pabula sa panitikan

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

* 25 Pahalang - isdang espada
* palaisipam mula sa pahayagang Abante, Abril 2, 2024
tagan - isdang tabang (Pritis microdon) na may mahabang nguso na parang lagari, humahaba ng 1 metro, abuhin ang sapad na katawan na may maraming tinik na maliliit, kulay tsokolate, at dilaw ang dulo (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, pahina 1200)