Sabado, Oktubre 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Pampito sa nagpatiwakal sa loob ng isang buwan

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala pang isang buwan ay pampito na ito sa kaso ng pagpapatiwakal na nasubaybayan ng inyong lingkod sa pahayagang Bulgar, at ngayon ay headline sa pahayagang Pang-Masa, petsang Oktubre 19, 2024. Ayon sa headline: Kolehiyala, tumalon sa MRT footbridge, patay. Nasa pahayagang Bulgar din ang balitang ito na ang pamagat ay: Coed, tumalon sa MRT footbridge, utas.

Mula sa pagsubaybay ng inyong lingkod, pangatlo siya sa napaulat na tumalon mula sa mataas na bahagi, habang tatlo naman ang nagbigti at isa ang nagbaril sa ulo.

Isa-isahin natin ang mga pamagat ng pitong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024

Pag inaral ang pitong kasong ito, ito'y dahil di na nakayanan ang dala-dala nilang problema, na nauuwi sa pagpapatiwakal. Ang nagpasya'y damdamin at hindi na naisip ang kahalagahan ng isa nilang buhay.

Subalit paano nga ba maiiwasan ang ganitong pagpapatiwakal? Planado ba ito o padalos-dalos na desisyon dahil di na kaya ng kanilang kalooban ang mga ipinagdaramdam nila, at naiisip na lang ay matapos na ang lahat. Ayaw natin silang husgahan, subalit wala nga ba silang pagpapahalaga sa sariling buhay?

Anong maitutulong ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at ng nakasalang na panukalang batas na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act, upang mapigilan ang ganitong mga pagpapatiwakal?

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN

bakit tumalon ang kolehiyala 
sa footbridge ng MRT sa Taft-Edsa
ayon sa ulat, posibleng problema
sa pamilya ang dahilan ng pasya

pampito siya sa nagpakamatay
sa loob ng wala pang isang buwan
na inulat sa pahayagang Bulgar
akong nagbabasa'y di mapalagay

umaga pa'y bibili na ng dyaryo
kaya ulat ay nasubaybayan ko
wala bang kakayanan ang gobyerno
gayong batas na iyang Mental Health Law

kung sinong biktima'y siya ring suspek
bakit magpatiwakal ang sumiksik
sa isipan, sa kanila bang hibik
ay walang nakinig, walang umimik

kailangan nila ng tagapayo
sa problema ngunit walang umako
sa mga dinaramdam ay nahapo
at sa kanila'y walang umaalo

nakalulungkot pag sa payo'y kapos
sa problema'y walang kakamping lubos
kaya nagpasyang buhay ay matapos
kaya buhay nila'y agad tinapos

10.19.2024

Bakas

BAKAS

naiiwan iyang bakas sa nakaraan
habang tinatahak pa ang kasalukuyan
upang kamtin ang asam na kinabukasan

ika nga sa isang sikat na kasabihan
dapat nating lingunin ang pinanggalingan
nang makarating tayo sa patutunguhan

tulad din ng mga aktibistang Spartan
na inaral ang mga nagdaang lipunan
nang bulok na sistema'y baguhing tuluyan

tulad kong laging nagmamakata pa naman
na madalas likhain ay tulang pambayan
tula sa kalikasan at kapaligiran

kaya nga sa bawat bakas ng nakaraan
pag ating nilingon ay may matututunan
kunin natin upang sa pagtahak sa daan

ay maalpasan na natin ang kahirapan
sa sama-samang pagkilos ng sambayanan
ay maitayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
10.19.2024

Tamis ng pulot

TAMIS NG PULOT

anong tamis ng pulot-pukyutan
na bubuyog ang may kagagawan
tulad ng aming pagmamahalan
di ng presyo kundi pag-ibigan

animo kami'y langgam sa tamis
baka kaya nagka-diabetes
di naman mahilig sa sorbetes
kundi tula'y isulat ng lapis

ika nga'y wala nang tatamis pa
kapag tayo'y laging magkasama
ako ang iyong bubuyog, sinta
ikaw naman ang aking sampaga

ganyan katamis yaring pag-ibig
na sadya namang di palulupig
kaya piniit kita sa bisig
nang bulong ng puso ko'y marinig

- gregoriovbituinjr.
10.19.2024