KONTRABIDANG KONGRESMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod(Hinggil sa House Resolution 2140 ni Congressman Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga na nagsasaad na itigil na ang paggawa ng mga pelikulang naglalarawan sa tulad nilang “honorable” na kongresista bilang mga kontrabida.)
laging kontrabida sa mga pelikula
ang papel ng “honorable” na kongresista
ito'y patunay ba kung anong klase sila?
sa totoong buhay ba'y totoong buwaya?
kongresista'y kontrabida, bida ang masa
sa pelikulang Pinoy ay gasgas na tema
gasgas man ang tema'y katotohanan pala
ang inilalarawan nitong pelikula
sa Kongreso man, ang kongresista'y kuhila
isang panig lang ang batas na nagagawa
bihira ang batas sa mga manggagawa
at bihira rin ang batas sa mga dukha
kung may batas man sa mga dukha't obrero
ito'y kaylupit, di maitaas ang sweldo
mga batas ay batay sa kapitalismo
di sa kagalingan ng karaniwang tao
bagamat may ilang kongresmang matitino
mayorya ng kongresista'y para sa tubo
batas sa pabahay nga'y nakapanlulumo
batas sa manggagawa'y di mo nga makuro
kaya tama lang ang mga paglalarawan
na kontrabida ng bayan itong kongresman
kung nais nilang ito'y mabagong tuluyan
magpakatino sila't maglingkod sa bayan