di ako nakakaunawa ng salitang Pranses
bagamat nakapunta na roon ng isang beses
ngunit madali kong naunawa ang paninikis
nasa Pranses subalit may bahid ng wikang Ingles
sa kanilang dyaryo'y mababasa agad sa kober
"Rodrigo Duterte: Le president serial killer"
na nagsasabing ang pangulo'y kayraming minarder
na animo ginagawa niya'y nag-ala-Hitler
mabigat ang paratang, kung iyon ay paratang man
at mabigat din kung iyon nga ang katotohanan
ang tulad ba niya'y walang galang sa karapatan
at maraming kababayan ang nagtitimbuwangan
iyang dyaryong Pranses ba'y nagsasabi ng totoo
o mas makapagsasabi'y Pilipino't di dayo?
kahiya-hiya sa bansa kung iya'y panggugulo
mas kahiya-hiya sa bayan ang ganyang pangulo
- gregbituinjr.
* Mula sa ulat sa pahayagang Philippine Daily Inquirer na pinamagatang French paper banners Duterte as ‘serial killer president’, Oktubre 9, 2016
mula sa kawing na: http://globalnation.inquirer.net/146418/french-paper-banners-duterte-as-serial-killer-president