Miyerkules, Hulyo 20, 2011

Sistemang kristal

SISTEMANG KRISTAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taas-noo akong may lungkot yaring puso
uring manggagawa hanggang ngayon ay bigo
kailan ba sa kanilang puso'y titimo?
na ang lipunan nila'y dapat nang mabuo

suntok sa buwan bang kanilang pangarapin
na bulok na sistema'y tuluyang baguhin
hindi ba'y kaygandang adhika't simulain
na sila ang manguna upang ito'y  gawin

nakatindig akong ang puso'y hinihiwa
sapagkat kayrami ng napapariwara
buhay ay winawasak ng pagdaralita
ngunit wala pang magawa ang manggagawa

paano tayo titindig ng taas-noo?
kung di nagkakaisa ang uring obrero
kung puso nila'y nakatuon sa trabaho
imbes na ipalaganap ang sosyalismo

sa nangyayari ba'y magkikibit-balikat
habang puso ng sambayanan ay may pilat
lagi na lang bang lipunang ito'y maalat
gayong babasaging sistema na'y may lamat

sistemang kristal na iniingatang lubos
ng isang uring tunay ngang mapambusabos
walang pakialam sa dukhang laging kapos
sagot ba'y paano ng dukha matatalos?

sa mga obrero'y kumakatok ang lambing
ng asam na sahod, baryang kumakalansing
diwa ba nila bilang uri'y magigising?
sistemang bulok ba'y kailan dudurugin?

uring manggagawa'y hukbong mapagpalaya
sila ang babago sa sistemang kuhila
ngunit hanggang kailan sila tutunganga?
pag pilantod na sila't wala nang magawa?

Nagkataon lang itim ang kulay ng pusa

NAGKATAON LANG ITIM ANG KULAY NG PUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano naging malas ang pusang itim na iyan?
gayong siya'y isinilang na ang kulay na'y ganyan
hindi ba't kaitiman niya'y nagkataon lamang?
oo nga't itim siya, dapat na bang katakutan?

marami namang pusang naaalagaang tunay
ngunit kaibahan niya'y itim ang kanyang kulay
kulay lang ito, paano naging nakamamatay?
paano kung itim ay tao, ah, tayo'y magnilay

pusang itim ba sa kapalaran mo'y mapagpasya?
o siya'y tandang mag-ingat ka't baka masakuna?
na para bang kung saan ay biglang lilitaw siya?
at sa bantang panganib ay paalalahanan ka?

pinalaki ba tayong masama ang kulay itim?
ang maputi'y maganda na't ang itim na'y malagim?
bakit kayraming mapuputing sa yaman ay sakim?
bakit may tisay na ugali'y nakaririmarim?

hindi porke't kulay itim, sa sama na ang tungo
dahil maraming maitim na busilak ang puso
maganda rin ang itim lalo't buhok mo'y ginugo
huwag lang sanang itim ang mga buto mo't dugo

pusang itim nga ba o pusong itim yaong malas
pusong itim na taksil sa kapwa, tulad ni Hudas
ang pusong sa karapatan ng kapwa'y umuutas
sakim, sukab, lilo, tiwali, mga talipandas