Martes, Setyembre 29, 2020

Ang mutya sa balintataw

nakikita ko ang mutyang nakangiti sa hardin
sa aking balintataw ay naroong anong hinhin
ako ba'y namalikmata o nanaginip man din
pagkat bigla siyang nawala't tinangay ng hangin

anong ganda ng mutya kung ipipinta sa kambas
habang tinutula ko ang kariktan niyang wagas
baka ngiti niya ang sa sakit ko'y makalunas
habang aking haraya'y paduyan-duyan sa taas

tila ako isang raha doon sa daigdigan
na laging nakikipaghuntahan sa mamamayan
pag sumagi sa isip ang mutya'y natitigilan
subalit panibagong tula'y nalilikha naman

ang mutya kayang iyon ang musa nitong panitik
pag nariyan siya, pluma ko'y sa papel hahalik
habang tinutulungan yaong masang humihibik
ng kawalan ng hustisya kaya naghihimaghik

- gregoriovbituinjr

* kinatha matapos basahin ang "Notorious Literary Muses from Best to Worst" na nasa kawing na https://lithub.com/notorious-literary-muses-from-best-to-worst/

Kaygandang islogan sa kwaderno

"The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." - islogan sa isang pabalat ng notbuk

kayganda ng islogan sa kwadernong nabili ko
wala nang alinlangang binili ko agad ito
sinasalamin din nito ang yakap kong prinsipyo
at adhikaing umukit sa aking pagkatao
bilang makata, bilang aktibista, bilang ako

ako'y isang lingkod ng uring manggagawa't masa
sa pagkilos, pagtula, pagkatha, pagpropaganda
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala
inaadhika'y palitan ang bulok na sistema

oo, nagsasalita ako para sa dalita
para sa karapatan, hustisya, api't kawawa
lalo pa't pipi't bingi ang namumunong kuhila
sa burgesya'y una ang tubo't negosyo, di dukha
sa tibak na tulad ko'y lipunang mapagkalinga

patuloy pa ako sa pakikibaka ng uri
upang sistemang bulok ay di na mananatili
para sa dukha, obrero, api'y nagpupunyagi
para sa magsasaka, babae, bata, kalahi
upang ilagay sa tuktok ang uring inaglahi

- gregoriovbituinjr.

Pageekobrik muli

isang linggo rin akong tumigil na mag-ekobrik
di dahil walang plastik kundi dama'y tumitirik
pulos iyon na lang, araw-gabi nang nagsisiksik
kahungkagan ng buhay-kwarantina'y dumidikdik

tila ba pageekobrik ko'y isang pagmumukmok
damang kahungkagan sa akin nakapagpalugmok
ang kahungkagang ito'y nakasisira ng tuktok
bagamat di ko masabing sa puso'y umuuk-ok

pageekobrik na ito'y magandang adhikain
nabubulunan sa plastik ang ilog, dagat natin
dahil nga sa coronavirus, balik-plastik pa rin
kampanyang anti-plastik ay tila ba natigil din

subalit ngayon, sinimulan ko muling maggupit
ng maraming plastik na naiipon kong malimit
hungkag man ang dama'y mageekobrik pa ring pilit
magekobrik hangga't sa kwarantina'y nakapiit

- gregoriovbituinjr.