Sabado, Mayo 28, 2011

Sakbibi ng Hirap


SAKBIBI NG HIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

apat na taong gulang pa lang siya
ang bunsong kapatid na'y karga-karga
iniwan ng ina sa may bangketa
upang mamalimos na sa kalsada

buntis na ina'y saan ihahatid
ng mga yapak, saan mabubulid?
ang kaginhawaha'y isang balakid
sa kanilang pitong magkakapatid

ang ama nama'y katiting ang sahod
minsan sa amo'y halos maglumuhod
para makabale't may ipamudmod
sa pamilyang lagi nang nakatanghod

paggawa ng bata'y basta na lang ba
paano ang kalusugan ng ina
araw at gabi'y sakbibi ng dusa
ano na ang bukas nilang pamilya?

paghahatian ang isang mansanas
pinagkakasya'y isang kilong bigas
ulam nila'y isang latang sardinas
ito ba ang tinatawag na bukas?

kung manganganak na naman ang ina
madaragdagan pa ang magdurusa
sa nangyayari'y mapapailing ka
sa gobyerno ba'y balewala sila?