Linggo, Mayo 23, 2021

Patalastas sa isang paaralan

PATALASTAS SA ISANG PAARALAN

nakakatuwa yaong paaralan sa Navotas
dahil sa ipininta nila sa bakod sa labas
"No Smoking Area" yaong kanilang patalastas
tinukoy pa kung anong nakakasakop na batas

ang ibig sabihin, bawal doong manigarilyo
estudyante'y tinuturuan nang huwag magbisyo
salamat naman, maaga pa lang ay may ganito
upang kalusugan muna ang isiping totoo

unahin ang pag-aaral, payo sa kabataan
huwag magbisyo, isipin muna'y kinabukasan
alalahaning nagsisikap ang inyong magulang
na sa inyong pag-aaral, kayo'y iginagapang

kung iniisip n'yong yosi'y pamporma sa babae
astig ang inyong dating sa magandang binibini
baka mali kayo, mahirap magsisi sa huli
kabataan, maiging mag-aral munang mabuti

- gregoriobituinjr.

* kuha ng makatang gala nang minsang mapadaan sa Tumana sa Lungsod ng Navotas

Soneto laban sa basura

SONETO LABAN SA BASURA

Ang ating mundo'y tinadtad na ng basurang plastik
At upos na sa kanal at laot nagsusumiksik
Sa ganyan, ang inyong puso ba'y di naghihimagsik?
Hahayaan na lang ang problema't mananahimik?

Gising! at pag-usapan ang problema sa basura
Bumangon upang kapaligiran ay mapaganda
Anong nakikita ninyong solusyon sa problema?
Ah, kayrami nang batas subalit nasusunod ba?

Ako nga'y sumali sa gumagawa ng ecobrick
Kung saan sa boteng plastik ay aming sinisiksik
Ang ginupit na plastik, patitigasing parang brick
At pagdating sa upos, ginagawa ko'y yosibrick

Ikaw, anong ginagawa para sa kalikasan?
Halina't magbahaginan tayo ng kaalaman!

- gregoriovbituinjr.

Pangalagaan at ipaglaban ang kalikasan

tinanong ako ng isang tagapakinig minsan
paano raw kalikasan ay mapangalagaan
kung di raw naman nakikinig ang pamahalaan
maliliit lamang daw kami't di mapakikinggan

bakit? tanong ko, sila lang ba'y aasahan natin
ngunit maliliit man tayo'y baka makapuwing
kung anong nakikita nating tama'y ating gawin
sumisira sa kalikasa'y ating kalabanin

dagdag niya, mapanganib ang naiisip ninyo
lalo na't tokhang ang polisiya nitong gobyerno
terorista kayo pag bu-ang ay kinalaban n'yo
pulis at army'y nagtila kanyang hukbong pribado

ang aming tugon, gawin ang para sa kalikasan
gawin naman nila ang para sa pamahalaan
sa amin, di basura ang daigdig na tahanan
magtanim din ng puno para sa kinabukasan

naglipana kung saan-saan ang upos at plastik
sa pagmimina, buhay ng katutubo'y tumirik
nangamatay ang pananim, ang madla'y humihibik
bakit tropa ng gobyerno'y takot ang hinahasik

ang pamahalaan ba'y kampi sa kapitalista?
dahil inaakyat nila'y limpak-limpak na pera
dahil sa pagsira sa kalikasan kumikita
anong gagawin sa ganito? tutunganga lang ba?

sa maraming upos, may proyekto akong yosibrik
sa basurang plastik, may proyekto kaming ekobrik
sa laot, kinakain na ng isda'y microplastic
sa mga nangyayari, tayo lang ba'y tatahimik?

huwag hayaang maitayo ang malalaking dam
kung buhay ng kapwa ang magiging kapalit niyan
imbes pulos coal plant, tayo'y mag-renewable naman
mga ito'y pag-isipan at ating pagtulungan

- gregoriovbituinjr.

Sa dalawang aarestuhing Beauty Queen


SA DALAWANG AARESTUHING BEAUTY QUEEN

dalawa silang anong tapang na kababaihan
dalawang beauty queen, mga musa ng kagandahan
dalawang Miss Myanmar, sa bansa nila'y karangalan
dalawang dalaga sa puso ng sangkatauhan

aarestuhin sila, ayon sa mga balita
ng Myanmar military junta pag-uwi sa bansa
dahil hustisya'y ipinanawagan nilang sadya
dahil military junta'y kanilang sinalunga

Miss Universe Myanmar Thuzar Wint Lwin ang isang ngalan
at Miss Grand Myanmar Han Lay naman ang isa pang ngalan
inuusig sa Myanmar ang dalawang kagandahan
gayong sa kanilang bansa'y nagbigay-karangalan

na sa nangyari sa Myanmar, nagsabi ng totoo
hinggil sa kudeta ng militar noong Pebrero
hinuli ang pamunuan ng sibilyang gobyerno
at sa nagprotesta, napapatay na'y libu-libo

salamat sa dalawang dilag sa kabayanihan
upang sa mundo'y isiwalat ang katotohanan
upang kababayan ay masagip sa kamatayan
upang panlipunang hustisya'y makamit ng bayan

aming mensahe sa dalawang magandang Beauty Queen
narinig na ng buong mundo ang inyong hinaing
kayo'y mga bayani sa bansa ninyong tinuring
huwag munang umuwi sapagkat kayo'y darakpin

kung sakaling walang mapuntahan, kayo'y kumatok
bakasakaling sa aming bansa'y tanggaping lubos
habang pinaglalaban ninyong tuluyang matapos
ang military junta't mawala ang nasa tuktok

- gregoriovbituinjr.

Pusong lutang

PUSONG LUTANG

may pusong mamon
may pusong bato
at ngayon naman
may pusong lutang

kamangha-mangha
para sa madla
makatang gala
ba'y isinumpa

lutang ang puso
tila siphayo
lamig bumanto
sa kumukulo

may pusong bato
di na nagmahal
puso'y tuliro
kapara'y hangal

may pusong halang
gawa'y manokhang
utos ng bu-ang
daming pinaslang

may pusong ligaw
na di makita
hanap na pugad
nawala na ba

ang pusong lutang
pala'y halaman
aking nalaman
ngayon-ngayon lang

halamang tubig
bilog ang hugis
kaibig-ibig
puso'y kawangis

- gregoriovbituinjr.

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1024