Biyernes, Enero 10, 2025

Ilang aklat ng katatakutan

ILANG AKLAT NG KATATAKUTAN

marahil, di libro ng krimen kundi multo
ang paglalarawan sa nariritong libro
akdang katatakutan ni Edgar Allan Poe
ang On Writing ni Stephen King, ang maestro

nais kong matutunan ang estilo nila
kung bakit mga akda nila'y nakilala
binigyan ko ng panahong sila'y mabasa
bilang paghahanda rin sa pagnonobela

magandang pagsasanay ang dyaryong Talibà
maikling kwento ko'y doon nalalathalà
nasa isipan ko ang isang halimbawà
ang paghahanda ng nobelang manggagawà

manggagawang tinakot ng gahama't buktot
subalit sila'y nagkaisa't di natakot
nakibaka sila't tinuwid ang baluktot
hanggang kapitalistang kuhila'y lumambot

kayraming paksa't isyung dapat kong aralin
inspirasyon ko nga'y milyones na bayarin
na sadyang nakakatakot kung iisipin
kaya pagkatha ng nobela na'y gagawin

- gregoriovbituinjr.
01.10.2025

Magsulat upang may ipambayad sa utang

MAGSULAT UPANG MAY IPAMBAYAD SA UTANG

anong laki ang bayarin sa pagamutan
kaya kinakailangan naming mangutang
upang mabayaran ang doktor at ospital
di iyon bigay ng mga kamag-anakan

hanggang ngayon, dapat mag-isip ng paraan
ang pagsusulat ang tangi kong kakayahan
ako'y makatang pultaym na tibak din naman
na dyaryong Taliba'y pinagkaabalahan

makakalikha kaya ako ng nobela?
na maisasalibro't milyones ang kita?
na magiging matagumpay na pelikula?
ngunit tagumpay na iyon ay kailan pa?

susundan ko ba ang yapak ni Stephen King?
at ang seryeng Harry Potter ni J.K. Rowling?
at kay J.R.R. Tolkien na Lord of the Ring?
dapat ko nang magsimula't huwag humimbing!

kaya magsulat na't ayusin ang direksyon
kung paano gagana ang imahinasyon
matagal man ay darating din ang panahon
na ako'y magtatagumpay sa nilalayon

- gregoriovbituinjr.
01.10.2025

Isang tula bawat araw

ISANG TULA BAWAT ARAW

ang puntirya ko'y isang tula bawat araw
sa kabila ng trabaho't kaabalahan
sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw
at iba pang tungkuling dapat magampanan

kayraming isyung binasa't inaaral ko
nang masulat kong pasalaysay at patula
iba'y inilalapat sa maikling kwento
isyu man ng obrero, babae, dalita

basta ba may paksa't isyung napapanahon
o kaya'y balitang marapat bigyang pansin
para sa hustisya't karapatan, may misyon
ang makata kahit wala sa toreng garing

kung kaya ko naman, kwento'y dalawang beses
kada buwan, minsanan lamang ang salaysay
subalit sa pagtula'y di dapat magmintis
kada araw, kaya madalas nagninilay

pagtula'y bisyong sa akin ay di maalis
para akong kalabaw kung dito'y kumayod
wala mang magbasa, pagtula'y di matiis
pagkat ito'y gawaing ikinalulugod

- gregoriovbituinjr.
01.10.2025