Huwebes, Agosto 8, 2013

Ang lapis at ang pambura

ANG LAPIS AT ANG PAMBURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

"Paumanhin," anang lapis sa pambura.
"Ha? Bakit? Wala kang nagawang masama,"
Ang pambura'y agad na tugon sa kanya.
Sumagot ang lapis na bago lang hasa:
"Pagkat katawan mo'y nababawasan na.
Sa mga mali kong sa tuwina'y gawa
Ay naririyan ka't bura na ng bura.
Ang pakiramdam ko ikaw'y lumuluha"
"Tinuran mo'y tunay," sabi ng pambura
"Ngunit ano pa bang aking magagawa
Sa tungkuling iyan ako tinalaga
At sanhi kung bakit tulad ko'y nilikha.
May papalit namang gaya kong pambura
Sakali mang ako'y tuluyang mawala.
Ang tungkuling aking sa kanya'y pamana
Buong tapat din n'yang gagampanang kusa.
Kaya, lapis, huwag ka nang mag-alala
Ako'y masaya sa tungkulin ko't gawa."