Biyernes, Oktubre 9, 2015

Pagtahak

PAGTAHAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't tahakin anumang matarik na bundok
at ipakita ang talinong makita ang landas
halina't harapin anumang malaking pagsubok
at ipakita kung paano ito nilulutas
halina't magkaisa't mararating din ang tuktok
at ipakita ang nagkakaisa nating lakas
halina't pangarap nati'y abutin hanggang rurok
hanggang makita ng susunod ang naiwang bakas

Kalamnang tigang

KALAMNANG TIGANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang mga kalamnan ko'y sadyang namimigat
tila walang dugong lumalandas sa ugat
dama ang panlalamig nitong aking balat
ang mga laman ko animo'y nawawarat

mabuti’t dumampi ang malamig na hangin
kaya nadama kong ugat na’y nagigising
kumisap ang pag-asang tila nagniningning
at yaong mutya’y gumagala’t naglalambing

mawawala din ang kapoy maya-maya lang
maglalaho yaong sa ugat nakaharang
manunumbalik ang lakas na natitigang
ramdam na baguntao muli’t manibalang

Imortal

IMORTAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

manggagawa - sila ang mayorya sa daigdigan
imortal ang gawaing pakainin ang lipunan
sila ang lumikha ng laksa-laksang kaunlaran
binubuhay nila kahit naghaharing iilan

dugo't pawis yaong gamit sa pabrika't makina
nagbayo, nagsaing, nagpalago ng ekonomya
ngunit kayraming sa kanila'y di kumikilala
lalo't nangapital na tuso't mapagsamantala

kahit walang puhunan, mabubuhay ang daigdig
kayraming puno't pananim, ulan ang dumidilig
mga obrero silang gamit ang lakas ng bisig
sa puso nitong mundo, sila ang nagpapapintig

kahit walang puhunan, mabubuhay ang obrero
kung walang obrero'y di mabubuhay ang negosyo
ngunit baligtad ang nadaranas natin sa mundo
kung sinong may puhunan ang naghaharing totoo

tunay na pagbabago ang nais ng manggagawa
totoong pagbabago ang inaasam ng madla
nais nila'y lipunang pagsasamantala'y wala
isang lipunang makatao'y kanilang adhika