Biyernes, Abril 4, 2025

Karahasan ng magulang sa mga anak

KARAHASAN NG MAGULANG SA MGA ANAK

sa dyaryong Bulgar, dalawang tampok na ulat
hinggil sa panggagahasa ng mismong tatay
sa mga anak, edad apat, labing-apat,
at labingsiyam, OFW ang nanay

edad siyam nama'y binubugaw ng ina
sa online, matatamong mo na lang ay bakit
dahil ba sa kahirapan ay gagawin na
upang magkapera'y ibubugaw ang paslit

sisisihin ba si Libog at Kahirapan
upang malusutan lang ang ginawang krimen
paglaki ng bata'y anong kahihinatnan
kung tatay mismo ang sa kanila'y umangkin

mapapaisip ka bakit ito nangyari
libog lang ba o may mental health problem ito
imbis mahalin, magulang mismo ang imbi
pag lumaki ang anak, kawawang totoo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 4, 2025, tampok na balita at pahina 2

Istrok

ISTROK

di na niya maigalaw ang kanang braso
di rin maigalaw ang kanang hita't binti
pinagpahinga muna hanggang mag-umaga
nang di pa maigalaw, nagpaospital na

may bleeding sa pagitan ng artery at vein
sa utak, kung dati, may blood clot sa bituka
na inoperahan upang dugo'y lumabnaw
ngayon, may blood clot namang namuo sa utak

pitumpung porsyento raw ang nakaliligtas
sa istrok na nangyari sa asawang sinta
nawa, ang nangyari'y malusutan ni misis
aktibistang Spartan ay ito ang nais

naluluha na lamang ang makatang ito
tulala sa kawalan, isip ay paano
makaligtas si misis sa nangyaring ito
nawa'y gumaling pa si misis, aking samo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa isang ospital