SA ISANG ABOGADO NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
* Hinggil sa 34 na minerong pinaslang sa Lonmin Mining
Property sa Marikana, South Africa, na nagwelga upang
hilingin ang makatarungang pagtaas ng kanilang sweldo
* Tugon sa upak sa tula kong "Nais lang naman nila'y itaas
ang sahod" sa isang thread sa isang facebook group
pinaslang na sa Marikana ang mga obrero
na ang tanging hiling lamang ay itaas ang sweldo
ngunit bakit bala ang tinanggap ng mga ito?
hindi ito makatwiran, saanmang tingnang libro
obrero'y nagwelga sa minahan sa Marikana
humihiling lamang na itaas ang sahod nila
imbes na sahod, isinagot sa kanila'y bala
pagpaslang ba'y patakaran sa mga nagwewelga?
tila naging maton ng kumpanya ang kapulisan
na sa mga nagwewelga'y namaril ngang tuluyan
batas ba ng kumpanyang patayin ang mga iyan
upang maging tahimik sa kumpanya ng minahan
pagpaslang pa'y tinutuwid ng isang abogado
malulugi kasi ang negosyo ng mga amo
dapat mawala ang mga nagwewelgang obrero
mababawasan ng tubò ang kanilang negosyo
buhay ng manggagawa laban sa negosyo't tubò?
pag lumiit ang tubò, liliit na rin ang luhò!
karapatan na'y balewala, una lagi'y tubò!
buhay ng tao'y balewala, pagkat una'y tubò!
anong sabi ng abogado ng kapitalismo?
malulugi ang kumpanya pag tumaas ang sweldo
malulugi ang kumpanya, patayin ang obrero
makatwiran ba ang ganyan para lang sa negosyo?
laksang tubò kapalit ng buhay ng manggagawà?
santong kapitalismo pala'y buwayang kuhilà!
sagpang ang dugo ng manggagawa, kapara'y lintâ!
para sa tubò, karapatang pantao na'y walâ!