Sabado, Mayo 4, 2019

Sana'y dumating na ang araw ng sagupaan

SANA'Y DUMATING NA ANG ARAW NG SAGUPAAN

sinanay upang maging handa sa mga labanan
inaral kung paano ipansalag ang kampilan
sinanay sa buhay ng kahirapa't kagutuman
at matiisin daw kaming aktibistang Spartan

kung walang pera, aba'y maglakad papuntang pulong
kung walang pagkain, aba'y magtiis ka sa tutong
kung walang alawans, sanay namang gumulong-gulong
kung walang pang-ulam, mamitas na lang ng kangkong

matiisin daw kaya madaling balewalain
tingin sa amin ay maglulupa't sundalong kanin
kami'y utusan lang na madali lang alipinin
dahil pawang kumunoy ang nilalakaran namin

matagal na kaming naghanda sa pakikidigma
matagal na kaming nagtiis sa gutom at sumpa
kailan mag-aalsa ang hukbong mapagpalaya
sana'y dumating na ang araw ng pagsasagupa

kaming mga aktibistang Spartan ay narito
nagtitiis para sa pangarap na pagbabago
handa ang gulugod, ang puso, ang kris, ang prinsipyo
handang sumagupa sa sepyenteng may tatlong ulo

- gregbituinjr.

Pagbabalik sa Buhay-Spartan

PAGBABALIK SA BUHAY-SPARTAN

pag nawala si Misis ng ilang araw o linggo
sa buhay-Spartan ay muling bumabalik ako
bilang mandirigmang sumasagupa sa delubyo
na mga kalaban ay pagugulungin ang ulo

kailangang umuwi ni Misis sa lalawigan
upang doon gampanan ang tungkulin sa halalan
ako namang naririto sa lungsod maiiwan
dahil nasa Maynila ang aking pagbobotohan

tila ba langay-langayan sa dagat ng siphayo
tila sinisipat ang pinupuntiryang kaylayo
tila apo ni Leonidas, dugo'y kumukulo
tila handa sa laban, mabasag man yaong bungo

ako'y aktibistang Spartan, dugong mandirigma
kayang mabuhay saanman, kahit salapi'y wala
nakikibakang palaging nakatapak sa lupa
tangan ang kaluban, handang bunutin ang kampilan

at pag umuwi na si Misis sa aming tahanan
magkakakulay muli ang nangitim kong kawalan
mabubuhay muli ang pugad ng pagmamahalan
at muli ay makadarama ng kapayapaan

- gregbituinjr.