Sabado, Mayo 11, 2024

Superbahong utot ba'y gamot?

SUPERBAHONG UTOT BA'Y GAMOT?

minsan, natatawa na lamang tayo sa balita
lalo't mabahong amoy ang napag-usapang paksa
sa pamagat pa lang ng nabasa mong artikulo
magugulumihanan ka kung ito ba'y totoo
"Super bahong utot, panlaban sa high blood, heart problem,
alzheimer's disease," magandang pag-isipang malalim
isang doktor ang sa mabahong utot ay naglahad
na ito'y maydalang kemikal na hydrogyn sulfide
na mayor na salik kaya bumabaho ang utot
na naaamoy natin pag pumutok ay mabantot
na nagbibigay ng proteksyon sa mitochondria
na siyang powerhouse at nagbibigay enerhiya
sa selula upang makapagtrabahong maayos
salamat, ito'y ambag sa kaalaman kong kapos
kaya sa mga ututin, sila'y pagpasensyahan
utot pala nila'y laking tulong sa kalusugan

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-8 ng Mayo, 2024, p.8

Tatlong aklat ng maiikling kwento

TATLONG AKLAT NG MAIIKLING KWENTO

tatlong aklat ng maiikling kwento
ang dagdag sa koleksyon ko ng libro
na mga awtor ay Amerikano,
taga-Inglatera, at Pilipino

To Build a Fire ang aklat ni Jack London
ang kay Jane Austen, pamagat: Sanditon
kay F. Sionil Jose ay Olvidon
ang basahin sila'y ganap kong layon

dagdag upang mabasa't paghandaan
upang makatha ang nobelang asam
mga akda kong kwento'y pag-igihan
hanggang pagnonobela'y matutunan

payak na pangarap ng maglulupa
at makatang dumanas din ng sigwa
bagtasin man ang sangkaterbang luha
ay patuloy sa layuning kumatha

ang mga awtor na aking nabanggit
kapara'y mga bituin sa langit
mga akda nila'y aking sinungkit
na nang binasa ko'y talagang sulit

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024

Ako man ay maglulupa

AKO MAN AY MAGLULUPA

ako man ay maglulupa
at naritong laging handa
tinatahak man ay sigwa
patuloy lang sa adhika

asam na lipunang patas
araw-gabi'y binabagtas
itayo'y malayang bukas
na lahat pumaparehas

ang laging nasa isipan
ay kalayaan ng bayan
mula sa tuso't gahamang
kapitalista't iilan

malayo ma'y lalakarin
upang tupdin ang mithiin
ang nakatakdang aralin
ay taimtim na gagawin

tinatahak nami'y wasto
habang nagpapakatao
na itatayong totoo
ay lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
05.11.2024