Linggo, Agosto 2, 2009

Huwag Matakot Makibaka

HUWAG MATAKOT MAKIBAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

I

makibaka, huwag matakot
durugin ang mga kurakot
sa bayang pinaikut-ikot
nitong mga trapong baluktot

huwag matakot makibaka
di na tayo dapat magdusa
ipagtanggol natin ang masa
hanggang makamit ang hustisya

makibaka, huwag matakot
labanan natin yaong salot
na mga trapong nanghuhuthot
sa kabang bayang dinadaklot

huwag matakot makibaka
ngunit di dapat bara-bara
ang upak natin sa kanila
dahil binabangga'y may pwersa

II

makibaka, huwag matakot
di dapat mabahag ang buntot
at huwag ding lalambot-lambot
pagkat walang puwang ang takot

huwag matakot makibaka
ang mapang-api'y usigin na
huwag hayaang makatabla
ang mga mapagsamantala

makibaka, huwag matakot
huwag pumayag mapaikot
ng mga trapong mapag-imbot
na sa bayan natin ay salot

huwag matakot makibaka
halina't tayo'y magkaisa
durugin ang mga buwaya
at baguhin na ang sistema

Di Naman Talaga

DI NAMAN TALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

di naman talaga naaksaya
ang mga oras mong inaksaya
kung ikaw'y nama'y naging masaya
sa ginawa mong kasiya-siya

di naman talaga laging tama
kapag malakas ang iyong tama
maigi pang ikaw ay tumama
sa paripa bago ka tumoma

di naman talaga mga dyosa
ang mga dalagang magaganda
diwata ang turing sa kanila
ng tulad kong sila'y sinasamba

di naman talaga nambobola
ang naglalaro ng karambola
kumakain lang ng bolabola
habang hawak ang bilog na bola

di naman talaga magagaling
ang mga sa Amerika galing
tayo lang minsan ay napupuwing
sa kanilang marami'y balimbing

di naman talaga makamasa
ang mga trapong binabalasa
pagkat masa’y laging nasa dusa
na parang pandesal kung imasa

di naman talaga katropa mo
silang mga trapo sa gobyerno
pagkat binobola ka lang nito
at boto lang ang gusto sa iyo

di naman talaga mga hudas
ang mga pulitikong nag-Con Ass
pagkat tawag sa kanila'y ahas
ng masa nilang binalasubas

Sa Hustisya'y May Tunggalian Din ng Uri

SA HUSTISYA'Y MAY TUNGGALIAN DIN NG URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

napakaraming katanungan ang umuukilkil sa isipan
kapag may naaagrabyado sa sistema ng katarungan

bakit si Erap na guilty sa plunder ay nakalaya agad
ngunit yaong political prisoners sa piitan pa'y babad

bakit si Jalosjos na guilty sa rape ay agad nakalaya
ngunit si Echegaray ay agad nabitay sa Muntinlupa

bakit pati ang mga vendors na nagtitinda ng marangal
ay hinuhuli't sinusunog ang kanilang mga kalakal

ngunit ang pribadong sektor na sa masa'y kaytaas maningil
pinayagan kahit buhay nati'y unti-unting kinikitil

bakit ang nahuhuling mag-jumper ay agad ipinipiit
ngunit malaya ang sumisingil ng kuryenteng di ginamit

a, sadyang napakarami pang bakit ang ating masasabi
lalo't sa sistema ng hustisya sa bansa'y di mapakali

sa mga tanong na ganito'y sumulpot ang katotohanan
may tunggalian din ng uri sa sistema ng katarungan

di pantay ang hustisya kaya nga kaydami ng sumusulpot
na mga katanungang sadyang naghahanap ng mga sagot

di ang mayayaman lang ang dapat makadama ng hustisya
kundi dapat lahat, may hustisya dapat lalo na ang masa

masasagot lang ang mga tanong kung ating pag-aaralan
ang kasalukuyang kalagayan at sistema ng lipunan

pag-aralan nati't kumilos tayo tungo sa pagbabago
ng sistema ng lipunan upang makinabang lahat tayo